Aquino Resign: Isang Sangandaan

May 8, 2015 at 2:16 pm

kalibutan_CMYKNang lumabas ang panawagan na mag-resign si Aquino pagkatapos ng masaklap na pangyayari sa Mamasapano, isa ang Kalikasan People’s Network for the Environment sa sumama at nagtambol ng makasaysayang hamong ito.

Noong ika-3 ng Marso, sa ika-20 anibersaryo ng subok na anti-mamamayan at anti-kalikasan patakarang Mining Act of 1995, malakas na isinigaw ng Kalikasan PNE, sampu ng mga kapwa kasapi nito sa Defend Patrimony Alliance, ang “Mandarambong na pangulo, mapangwasak na patakaran—Mining Act Ibasura, Noynoy Resign!”

Kasama dito ang ang maraming organisasyong katutubo sa ilalim ng Katribu o Kalipunan ng mga Katutubong Mamamayan ng Pilipinas. Para sa kanila, sapat na ang mapait na karanasan sa limang taong panunungkulan ni Aquino, at hinog na ang panawagan para sa pagpapaalis sa Malacanang ng hasyenderong pangulo.

Mula sa itaas makikita ang nasirang Tapian Mine Tailings Pit ng Philex sa Itogon, Benguet.  (Photo by Kalikasan PNE)

Mula sa itaas makikita ang nasirang Tapian Mine Tailings Pit ng Philex sa Itogon, Benguet. (Photo by Kalikasan PNE)

Upang lalong palawakin at palakasin ang panawagan ng pagpapa-resign kay BS Aquino, sinikap abutin ng Kalikasan PNE ang mga kapwa nitong makakalikasang organisasyon upang alamin kung ano ang kanilang pananaw sa panawagang ‘Resign’ batay na rin sa naging perpormans ni Aquino sa pangangalaga sa kalikasan at pamamahala sa ating likas yaman. Ito ang mga mayor na sumulpot na pananaw:

• Palpak ang rekord ni Aquino sa pangangalaga sa kapaligiran sa loob ng limang taon niyang panunungkulan;

• Walang mangyayari sa panawagan resign o pagpapatalsik dahil hindi pa mayorya ang nananawagan nito;

• May pag-alinlangan kung sino ang papalit, at kung si Vice President Jejomar Binay ay lalong magkakaloko-loko ang bansa;

• Hintayin na lamang ang 2016 eleksyon at duon maghanap ng bagong Presidente.

Malinaw na mayroong pag-agam-agam sa hanay ng mga makakalikasan sa paghamon kay BS Aquino na magbitiw sa puwesto sa kabila ng nagkakaisang pananaw na palpak ang rekord ng Pangulo sa pangangalaga sa kapaligiran at proteksyon sa kalikasan.

Paano nasabing palpak?

Sa limang taon ni Aquino, matingkad ang mga patakaran, programa at desisyon na pinatupad nya na nagdulot ng masamang epekto sa ating kalikasan.

Sa malakihan at dayuhang pagmimina, lalo pang pinalakas ni Aquino ang patakarang liberalisasyon sa pagmimina ng Mining Act 1995 sa pagpapatupad niya ng Executive Order 79 noong July 3, 2012.

Lalong nagbigay ang EO 79 ng mas malaking laya at dagdag pribilehiyo sa mga korporasyon ng pagmimina na kamkamin ang ating mga lupain at dambungin ang ating mineral na yaman.

Heto ang ilan lang sa mga matingkad na pangyayari sa ilalim ni Aquino:

• Noong August 1, 2012, naganap ang Philex mine spill disaster, na siyang pinakamalaking disaster sa kasaysayan ng Pilipinas kung hindi man sa buong mundo;

• Noong August 18, 2012, pinatay ng 27th Infantry Batallion ng Philippine Army (IBPA) sina Juvy Capion at dalawa niyang anak dahil sa pagtutol ng kanilang pamilya sa Glencore Tampakan mining project sa South Cotabato;

• Pagbibigay ng maraming permiso sa malakihang pagmimina na sumakop sa halos isang milyong ektarya ng ating mga lupain. Tampok ang pagsisimula ng operasyon ng Australian-New Zealand na kumpanyang OceanaGold sa Nueva Vizcaya.

Mga kabataang makakalikasan sa isang kilos protesta hinggil sa pagsadsad ng USS Guardian sa Tubbataha Reef.  (Photo by Loi Manalansan)

Mga kabataang makakalikasan sa isang kilos protesta hinggil sa pagsadsad ng USS Guardian sa Tubbataha Reef.
(Photo by Loi Manalansan)

Nakita din ng mga makakalikasan ang pangangayupapa ni Aquino sa mga dayuhan sa kanyang pangungunsinte sa mga paninirang ginawa ng pwersang Amerikano sa ating kapaligiran. Pikit-mata si Aquino sa pagdisrespeto ng tropang kano sa ating soberanya, pagsira sa kalikasan at paglabag sa karapatan ng ating mamamayan.

Hindi natuto sa insidente ng pagsadsad sa Tubbataha at paglason sa dagat sa Subic Bay ng mga barko ng US Navy, lalo pa niyang nilagay sa panganib ang ating mamamayan at kapaligiran sa mga pwersang Amerikano sa pagpapatupad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (Edca), na nagpapahintulot ng panunumbalik ng kanilang base militar at armas nukleyar.

Ilan ang mga sumusunod na insidente ng paninira ng Amerikano at pagkakandili ni Aquino sa kanila:

• Noong Nobyembre 2012, nagtapon ng milyon-milyong litro ng nakakalasong basura sa gitna ng Subic Bay ang isang barko ng US Glenn Defense, pribadong kontratista ng US Navy, na nagdulot ng matinding kontaminasyon. Ang Glenn Defense Marine Asia isang US Navy contractor.

• Noong ika-17 ng Enero 2013, ang USS Guardian, isang barkong pandigma na US ay iligal na pumasok sa Tubbataha Reef National Park at sumadsad at sumira mahigit 4,000 square meters ng bahura.

Ang isa pang nakaririmarim na rekord sa ilalim ng panunungkulan ni BS Aquino ay ang paglabag sa karapatang pantao at ultimo pamamaslang ng mga makakalikasan. Hinigitan ng limang taong panunungkulan ni Aquino ang 10 taong panunungkulan ni Gloria Macapagal Arroyo sa dami ng mga kaso ng pagpatay sa mga makakalikasan na umabot sa 48, kumpara sa 36 na kaso sa nakaraang administrasyon.
Hanggang ngayon, wala ni isang suspek ang napanagot sa mga kasong ito. Malaking dahilan sa paparaming kaso ng pagpatay ay ang pagpapahintulot ng gobyerno sa militar at pulis na maging pribadong seguridad ng mga pribadong kumpanya tulad ng mga nasa pagmimina, agro-plantasyon at pagtotroso.

Ilan sa mga tampok na kaso ng pagpatay sa ilalim ni Aquino ang mga sumusunod:

• Pagpatay ng 19th IBPA sa kilalang botanist na si Leonard Co at kasamahan nitong forester na si Sofronio Cortez at Julius Borromeo noong ika-15 ng Nobyembre 2010 habang gumagawa sila ng pananaliksik sa laksangbuhay ng kagubatan sa Kananga, Leyte.

• Pagpatay sa makakalikasan at midya na si Dr. Gerry Ortega noong ika-24 ng Enero 2011 kungsaan ang mastermind ay si dating Palawan Gov. Joel Reyes.

• Pagpatay noong ika-17 ng Oktubre 2011 sa Italyanong misyonaryong si Fr. Fausto Pops Tentorio, na kilalang tumututol sa malakihang pagmina at agro-plantasyon sa Mindanao

Tiyak na masasaid ang espasyo ng kolum na ito pag tinalakay pa natin ang iba pang aspeto ng kasuklam-suklam na rekord ni Aquino:

ang palpak at kriminal na kapabayaan sa disaster dulot ng bagyong Yolanda sa rehiyon ng Eastern Visayas noong 2013 at bagyong Pablo sa rehiyon ng Southern Mindanao Region noong 2012; ang muling pagdami ng mga plantang karbon na nakatuntong sa nilulutong emergency powers ni Aquino; ang patuloy na pag-apruba sa mga proyektong reklamasyon sa ating mga baybayin lalo na sa Manila Bay at Laguna de Bay; ang walang habas na pagputol ng mga natitira nating mga puno at kagubatan sa kalunsuran dulot na rin ng proyekto ng gobyerno na road-widening project tulad sa Pangasinan at Maynila.

Subalit ang nakapagtataka, sa kabila ng napakahabang listahan ng mga kasalanan ni Aquino sa kalikasan at sambayanan, bakit bantulot pa rin ang hanay ng ibang mga tagapagtaguyod ng kalikasan sa panawagan ng pagre-resign o pagpapatalsik kay BS Aquino?

(Reposted from Bulatlat.com

——————————–

Clemente Bautista is the national coordinator of the Kalikasan People’s Network for the Environment. For comments, email him at secretariat@kalikasan.net.