POEM: OVERSEAS FILIPINO WORKERS (OFW)
POEM: OVERSEAS FILIPINO WORKERS (OFW)
By Dolly M. Marcelino
(Live-in Caregiver)
Saan mang sulok ng mundo ay may Filipino,
Tanyag sa kagalingan at angking talento.
Sila ang nagpasikat sa Perlas ng Silangan,
Na ngayon ay lugmok sa kahirapan.
Maraming Filipino hangad ay mangibang bayan,
Sapagkat ang nais ay maahon sa kahirapan,
Ang kumita ng dolyar ang tanging kasagutan,
Upang matupad ang pangarap at ambisyon sa buhay.
Ninanais iwan ang lupang sinilangan,
Para makipagsapalaran sa banyagang bayan.
Kahit anong hirap at mabaon sa utang,
Makamtan lamang ang minimithing tagumpay.
Ang maging OFW ay hindi pasarap buhay,
Ang iba’y suntok sa buwan ang kanilang paglisan,
Hindi alintana ang sasapitin sa banyagang bayan,
Ang nasa isip ay pamilya na giginhawa pagdating ng araw.
Ang nakalulungkot lamang pagsapit sa bansang paroroonan,
Hindi lahat ay nagkakaroon ng magandang kapalaran.
Masakit sa atin ang imaltrato ng dayuhan,
Ngunit anong saklap ‘pag sa kapwa Pinoy naranasan.
Kalinga ng pamilya ang ating kailangan,
Upang kirot at hapdi ay maibsan,
Ngunit sa panaginip lamang ito mararamdaman,
Sa ating pag gising ito’y isang bangungot lamang.
Comments (1)