Midya bilang kakampi o kaaway ng pamahalaan
Midya bilang kakampi o kaaway ng pamahalaan
KONTEKSTO
Ni Danilo A. Arao
Walang masama sa desisyon ni Pangulong Noynoy Aquino na ipailalim sa isang pagsasanay ang ilang opisyal ng gobyerno tungkol sa tamang pakikitungo sa midya. Pero hindi ko maiwasang magduda sa intensiyon ng administrasyon kung susuriin ang pinagmulan ng desisyong ito.
Kung matatandaan ang nangyari sa mga unang araw ng panunungkulan ng bagong administrasyon, malinaw na napikon sina Presidential Spokesperson Edwin Lacierda at Education Secretary Bro. Armin Luistro sa mga tanong ng ilang peryodista. Bagama’t humingi ng dispensa at nagbigay ng paglilinaw ang dalawa, hindi nila naitago ang kanilang kakulangan sa pagbibigay ng respeto sa gawain ng midya.
At dahil ang kakulangan ay maiuugat sa kawalan ng kaalaman, mainam na bigyan sila, gayundin ng iba pa, ng pag-aaral. Dahil hindi ko nakita ang laman ng modyul na ginamit, paniniwalaan ko na lang ang balitang kasama sa pagsasanay ang paksa hinggil sa aktuwal na trabaho ng mga peryodista.
Siguro’y dapat ko ring bigyan ng kaukulang respeto ang kakayahan ng nagbigay ng pagsasanay, si Carol Esposo-Espiritu, na sinasabing eksperto sa midya at komunikasyon. Malawak daw ang kanyang karanasan bilang peryodista noon pang panahon ni Marcos. Wala akong karapatang ikumpara ang aking sarili sa kanya dahil apat na taong gulang pa lang ako nang ideklara ni Marcos ang Batas Militar sa Pilipinas.
Pero hindi ko pa rin mapigilan ang sarili kong magkomento sa napabalitang sinabi ni Espiritu sa pagsasanay: “Media have to do their job…If you make things easy for them, they will stop hounding you.” Una sa lahat, hindi na kailangang pagsabihan ang mga opisyal ng pamahalaan na maging bukas sa publiko. Kung ang layunin ng kasalukuyang administrasyon ay maging tapat sa tungkulin, magiging bahagi na ang bukas na daluyan ng impormasyon. Sa kontekstong ito, hindi na dapat maging isyu o problema ang pagpapahirap sa trabaho ng midya.
Puwede namang sabihing simpleng paalala lang ito sa mga opisyal na hindi sanay makitungo sa mga peryodista. Pero ang paggamit ng salitang pagtugis (hound) ay may implikasyon sa pagtingin ng kasalukuyang administrasyon sa gawain ng midya. Kung hindi mo lubusang naiintindihan ang esensiya ng pangangalap ng balita, maiisip mo talagang makukulit, makakapal ang mukha at matitigas ang ulo ng mga nagtatrabaho sa midya. At sa kontekstong ito, iisipin mong tinutugis (hounding) ka nila kaya dapat mong pigilan ang pangungulit nila sa iyo.
Sa madaling salita, ang nararapat na dahilan sa pakikisama sa midya ay ang intensiyong magbigay ng impormasyon sa publiko, at hindi ang pag-iwas sa pagtugis na ginagawa nila. Sa kabila ng tinaguriang media training na isinagawa sa mga piling opisyal, may malaki akong pagdududa kung magreresulta ito sa pagbibigay ng makabuluhang impormasyon sa publiko sa pamamagitan ng midya.
Sana’y mali ang balitang sinabi ni Lacierda noong Hulyo 5 na ang pagsasanay ay kung paano panghawakan ang midya (how to handle the media). Kung totong ito ang eksaktong salitang sinabi ng opisyal na tagapagsalita ng Pangulo, lumalabas na ang kanyang pagtingin sa midya ay mga instrumentong dapat manipulahin sa halip na mga organisasyong nagsisilbing daluyan ng impormasyon sa publiko.
Hindi tuloy nakakagulat na sa kanyang muling pagharap sa midya noong Hulyo 8, kapansin-pansin ang pagngiti, pagtawa at pagbibiro niya sa mga peryodista. Gayundin ang kaso ni Luistro na nagsabing magkakaroon na siya ng press conference tuwing Biyernes. Sa gitna ng kanilang mas maaliwalas na mukha, malinaw na ang kanilang layunin ay magkaroon lang ng positibong ulat, para sa kanila at sa buong administrasyong Aquino.
Kung sabagay, iba rin kasi ang pagtingin ng kanilang gurong si Espiritu sa relasyon ng midya at gobyerno. Ayon sa kanya, ang midya ay dapat tingnan ng mga opisyal ng gobyerno bilang kasama sa pamamahala (partner in governance). Ito ay taliwas sa prinsipyo ng nagsasariling katangian ng midya na pangunahing indikasyon ng kalayaan sa pamamahayag ng isang bansa. Kung may nararapat na pagtingin sa midya, ito ay ang respeto sa institusyong nagsisilbing tulay ng pamahalaan sa mamamayan.
Sa kontekstong ito, ang midya’y maaaring maging kaaway o kakampi ng pamahalaan at walang magagawa ang mga nasa kapangyarihan sa sitwasyong ito. At lalong wala silang karapatang manipulahin ang midya sa pamamagitan ng pagbibigay ng positibong anggulo. Hindi dapat maging layunin ng anumang pamahalaan ang pagkakaroon ng positibong pag-uulat dahil ang nararapat na prayoridad ay ang pagbibigay ng makabuluhang impormasyon. Ang huli’y maaaring positibo o negatibo para sa pamahalaan, pero kailangan pa ring ibahagi ito.
Kung mayroong pagsasanay na dapat gawin ang Presidential Spokesperson at iba pang may kinalaman sa komunikasyon sa publiko, ito ay ang pag-intindi sa konsepto ng impormasyong pampubliko (public information). Dapat nang tanggalin ang ugaling bigyan ng positibong anggulo ang isang pangyayari, lalo na’t kung pinaniniwalaang hindi magiging maganda ang balita sa opinyon ng marami.
Oras na malaman nila’t isapuso ang kanilang trabahong magbigay ng makabuluhang impormasyon sa publiko, mas maiintindihan nila ang gawain ng midyang iulat ang mga opisyal na pahayag. Hahayaan nilang magbigay ng sariling pagsusuri ang mga peryodista, pabor man o hindi sa pamahalaan. Para sa mga nasa kapangyarihan, iisipin nilang may pagkakataon namang magbigay ng klaripikasyon kung sakaling may makita silang mali sa mga ulat ng midya, at ito ang pinagmumulan ng malayang talakayan o debate. Sa pamamagitan ng palitan ng kuro-kuro ng mga opisyal at peryodista, mapapataas ang antas ng diskurso na kung saan mas epektibong mahuhubog ang opinyong pampubliko.
Malinaw kung gayon ang hamon sa administrasyong Aquino: Tratuhin nang tama ang midya hindi sa pamamagitan ng ngiti’t matatamis na salita, kundi sa bukas na pagbibigay ng mga angkop na balita.
http://risingsun.dannyarao.com/2010/07/09/midya-bilang-kakampi-o-kaaway-ng-pamahalaan/
Comments (0)