Muling bumangon sa hukay ang diktadurya
Muling bumangon sa hukay ang diktadurya
Kamakailan lang ay iniulat na hahabol para sa pagka-Presidente ang anak ng yumaong diktador na si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr sa eleksyon sa 2022. Halos 32-taon na nang pumanaw ang diktador, ngunit ‘di kailanman nawala ang bangungot na dinulot ng kanyang pamumuno. Ngayong sinusubukang bumalik ng kaniyang anak sa dati niyang pwesto o ibalik ang kapangyarihan sa kanilang pamilya, maaaring bumangon na naman mula sa hukay ang diktadurya.
Wala pang isang buwan nang huling gunitain ang anibersaryo ng pagdedeklara ng Batas Militar noong ika-21 ng Setyembre. Gayunpaman tila wala ni katiting na hiya o pagsisisi si Bongbong nang tanungin ukol sa nakalipas na rehimen ng ama, “I can only apologize for myself, and I am willing to do that if I have done something wrong and if that neglect or that wrongdoing has been damaging to somebody” (Maaari lang akong humingi ng tawad para sa sarili ko, at malugod ko ‘yong gagawin kung may nagawa akong mali at kung ang pagpapabaya at mali na yon ay nakapinsala sa iba), wika niya.
Talaga namang hindi dapat maging kasalanan ng anak ang kasalanan ng ama, subalit hindi naman siya inosente sa mga pangyayari noon at nanungkulan pa sa iba’t ibang pwesto sa pamamahala ng kanyang ama, isang malalang larawan ng nepotismo ang kanilang pamilya sa panahong may absolutong kapangyarihan ang kanyang ama. Kasama rin siya sa mga tumamasa ng karangyaan sa kanilang pagnanakaw sa kaban ng bayan. At sa lahat ng ito, walang inaamin o inaako ng kanilang pamilya ang mga pangungurakot at pagpatay na naganap sa rehimeng Marcos bagaman makailang-ulit nang nahatulang maysala kaugnay nito ang mga puno ng diktadurya.
Comments (0)