Asawa ng Dinukot na Aktibista may Bukas na Liham kay VP Robredo
Asawa ng Dinukot na Aktibista may Bukas na Liham kay VP Robredo
Para kay Vice President Leni,
Ako po si Johanna Abua, asawa ni Steve Abua. Isa siyang mabuting asawa at ama at mahusay na cum laude graduate ng BS Statistics mula sa UP Diliman. Kung tutuusin, sa kanyang talino pwede kaming mamuhay ng komportable at pumasok sa mga malalaking kumpanya, ngunit mas pinili niyang ialay ang kanyang talino para tumulong sa mga magsasaka at mga katutubo. Nasa 35 taong gulang pa lang po si Steve, pero mula pagkagradweyt nya, ang nasa isip nya ay ang pakikipagtulungan sa mga mahihirap.
Ngunit nitong November 6, 2021, dinukot si Steve ng mga hindi namin kilalang tao. Tinawagan nila ako at sinabing hawak nila ang aking asawa at kumbinsihin ko daw si Steve na makipagtulungan sa kanila, na umaming NPA siya, na magbagong-buhay na dahil ok na daw ang gobyerno ngayon. Kitang kita ko na hawak nila si Steve dahil nag-video call pa kami at kitang-kita ko ang kaawa-awa kong asawang nakapiring, nakabusal at nakagapos ang kamay. Pinipilit pa nilang makita ng 3 taong gulang naming anak ang kalagayan ng kanyang ama.
VP Leni, malakas ang paniniwala ko na hawak ng mga armadong pwersa ng gobyerno ang asawa ko. Mag-iisang buwan ko na siyang hinahanap at sa paghahanap ko, nalaman kong marami sa mga miyembro ng kanilang organisasyon mula sa Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ay nireredtag, tinatakot at sapilitang pinapasuko kahit na sila’y mga sibilyan dahil ito ang program ng NTF-ELCAC. Wala na silang pinipili at kahit sino na lang pala pwede nilang damputin at sabihing NPA. Kung nangyari ito kay Steve, pwede rin itong mangyari sa iba. Tama bang mabuhay sa takot? Tama bang ito na ang normal ngayon? Tama bang ito na ang kagigisnan ng anak ko at ng susunod na henerasyon?
Kaya naman VP Leni, sana naman huwag mong suportahan ang NTF-ELCAC at sana’y itaguyod mo ang pagbubuwag nito. Napakarami nang naging biktima at tingin ko sa oras na ito dumarami pa ang katulad na Steve na bigla na lang dinudukot at tinatakot. Gusto ko po sana kayong makausap at humingi ng tulong upang mahanap na si Steve. Gusto ko pong ikwento sa inyo at ipakita na totoong mayroong Steve, na marami pang ibang biktima at hindi kami simpleng mga numero lang sa report. Bilang babae, alam ko pong mauunawan ninyo ang aking kalagayan at nararamdaman. Sana mabasa po ninyo ito at mapagbigyan ang hiling ng isang simpleng mamamayan Pilipino.
Sumasainyo,
(Signed)
Johanna Abua
Comments (0)