Saan ka patungo Comelec?
Saan ka patungo Comelec?
RAPPLER EDITORIAL
Isang panawagan ang dumadagundong ngayon para sa commissioners: Maging matapang sa pagtataguyod ng integridad at independence ng Comelec
Nakaabang ang lahat sa susunod na desisyon ng Commission on Elections (Comelec), lalo na ang First Division nito na may hawak ng tatlong kaso ng disqualification ni Ferdinand Marcos Jr.
Narito ang maikling buod ng kontrobersiya: Isinapubliko ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon ang boto niyang idiskuwalipika si Marcos Jr. dahil sa “moral turpitude” o paglabag sa social standards ng isang komunidad. Ang siste, inunahan niya ang desisyon ng kanyang division, ang First Division, dahil hindi pa inilalabas ng ponente, si Commissioner Aimee Ferolino, ang desisyong lagpas na sa takdang 15 days ng Comelec rules (na sa totoo lang ay bihirang masunod.)
Bakit ito ginawa ni Guanzon? Dahil siya’y nagretiro na noong Pebrero 2, at si Commissioner Marlon Casquejo ay lumipat na sa 2nd Division bilang presiding judge nitong Pebrero 3. Sabi ni Guanzon, sinadya raw ni Ferolino na madelay ang desisyon, “Para hindi na ma-count ang boto ko.”
Away insider lang ba ito? Hindi ito basta-bastang kaso.
Tatlong dekadang kasaysayan ang nakaangkas sa tunggaliang Guanzon at Ferolino: kakambal ng magiging desisyon ng division ang pagsasakatuparan o pagkabigo ng pagbabalik ng mga Marcos sa Malacanang. Ito’y matapos wasakin ng patriarch nilang si Ferdinand ang demokrasya tatlong dekada na ang nakalipas, halos binangkarote ang kaban ng bayan sa korupsiyon at cronyism, at kinuba ang taumbayan sa utang panlabas. Ito’y sa kabila ng conviction ni Marcos Jr sa isang tax offense na tumataginting na ehemplo ng pagiging untouchable ni Junior.
Comments (0)