Kapareha, kaalyado, kaibigan
Kapareha, kaalyado, kaibigan
Pinoy Weekly Editoryal
Ganito inilarawan ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang relasyon ng Pilipinas sa US nang mag-ulat kasama ni US Pres. Joe Biden sa kanilang bilateral na usapan sa gilid ng United Nations General Assembly nitong Setyembre.
Kapareha? Ang tinutukoy na kapareha ay kapantay, patas ang relasyon. Ngunit hindi pantay ang relasyon ng US sa Pilipinas — sa ekonomiya, pulitika, militar, kultura at ugnayang panlabas. Relasyon ito ng amo at kliyente. Iniluluwas ng imperyalistang US ang labis-labis na kapital sa Pilipinas para pagtubuan sa pamumuhunan, pautang at kalakalan. Pawis ng manggagawa at iba pang nagtatrabaho ang lumilikha ng yaman. Pero iilang dayuhang korporasyon, bangko at kanilang mga kasosyo ang nakikinabang. Sila ang isang porsiyento. Tayo ang 99 porsiyento.
Kaalyado? Madugong sinakop ng US ang Pilipinas para agawin ang tagumpay ng Rebolusyong 1896. Makaraan ang Digmaang Pilipino-Amerikano, ipinataw nila ang pasipikasyon kabilang na ang pagkulong, pagtortyur at pagpaslang sa mga rebolusyonaryo. Ito ang pundasyon ng sinasabing “mahabang relasyon” ng US sa Pilipinas. Sa isang daigdig na pinag-aagawan ng mga imperyalistang bansa, walang ibang pinakamahigpit na kaalyado ang manggagawa at mamamayang Pilipino kundi ang pagkakaisa ng manggagawa at iba pang aping mamamayan laban sa imperyalismo.
Comments (0)