Pagpupugay sa Isang Bayani
Pagpupugay sa Isang Bayani
Cordillera Day
By Juli Manalang
(Radyo Migrante Collective)
Sa isang article ng Philippine Daily Inquirer, isinulat ng propesor ng social anthropology na si Analyn Saludo Amores,
“Ngayon, ang libingan ni Macli-ing ay isang palaruan para sa mga bata, isang pahingahan ng mga aso sa nayon sa isang mainit na hapon, o isang lugar ng pagpupulong para sa mga kabataan ng Butbut para sa kanilang pagkukwentuhan sa gabi. Marami sa mga batang naglalaro sa libingan ay hindi nakakaalam kung sino si Macli-ing.”
Nararapat na kilalanin o banggitin si Macli-ing Dulag sa bookstand ng kasaysayan ng bansa sa bawat puso ng Cordilleran. Ang sinumang indibidwal na mag-aalay ng kanyang buhay nang walang pag-iimbot na paglilingkod sa iba ay karapat-dapat lamang na maisulat ang pangalan sa mga gintong titik.
Sino nga ba si Macli-ing Dulag at bakit siya dapat igalang bilang isang bayani?
Si Apo Macli-ing Dulag ay isang manggagawa at respected elder (pangat) ng Butbut tribe sa maliit na mountain village ng Bugnay, Tinglayan, Kalinga noong 1960s. Siya at ang papangat (the council of elders) ang humahawak sa internal affairs ng kanilang mga tao at inaasahan na magpapanatili ng panlipunan at kosmikong kaayusan ng kanilang lupain, kabilang ang pagpapatupad ng mga kasunduang pangkapayapaan at pag-aayos ng mga salungatan. Siya rin ay nahalal na barrio captain ng Bugnay, na naglingkod ng tatlong termino mula noong 1966. Karaniwan, inaalagaan niya ang kanyang mga palayan at nagtatrabaho siya bilang isang laborer sa mga road maintenance projects na kumikita ng P405 bawat buwan.
Noong 1974, dalawang taon matapos magdeklara ng martial law ang diktaduryang Marcos Sr, tinangka nitong umpisahan ang Chico River Basin Development Project (CRBDP) na popondohan ng World Bank. Ang plano ay nanawagan para sa construction ng apat na dam na gagamitin sa paggawa ng kuryente. Ito raw ang solusyon sa energy crisis at magiging mura ang kuryente.
Ngunit lulubog ang mga baranggay sa Kalinga, Mountain Province, at Apayao, na sumasaklaw sa approximately 1,400 square kilometers ng rice terraces (payaw), mga taniman, at mga sagradong libingan. Tinatayang isandaang libong tao ang maaapektuhan at limang libo ang kailangang lumikas sa lupang minana pa sa mga ninuno nila.
Nag-aaway-away ang mga tribo noong bago nagsimula ang Chico River dam project. Sila ay madalas na nagkakaroon ng maiinit na salungatan dahil sa mga isyu tulad ng mga alitan sa lupa at pagnanakaw pero nagawa silang pagkaisahin ni Macli-ing. Ang mga pinuno ng Kalinga at Bontok ay inalok ng suhol, hinarass at ikinulong ng mga sundalo at mersenaryo ng gobyerno. Ngunit ang mga anti-dam leaders, kabilang si Macli-ing, ay nanatiling matatag sa kanilang pagsalungat sa proyekto.
Noong 1975, pinatunayan ni Macli-ing Dulag na walang katumbas na pera ang kanilang lupang ninuno. Tinanggihan niya ang makapal na sobreng iniabot sa kanya. “Dalawa lang ang pwedeng laman ng sobreng ‘yan. Sulat o pera. Dahil wala akong pinag-aralan, hindi ‘to sulat para sa akin. Kung pera naman, binibigay lang yan sa taong may binebenta. Wala akong binebenta.”
Ang paglaban sa proyektong dam ang nakapagbuklod sa mga mamamayan ng Cordillera. Si Macli-ing at iba pang mga lider ng Cordillera ay nagpasimula ng isang serye ng mga tribal pacts na tinatawag na bodong o vochong. Ang mga bodong na ito ang tumulong na patatagin ang pagkakaisa at lumikha ng isang napakalawak na alyansa ng mga komunidad at kanilang mga tagasuporta. Kinilala nila ang pinuno ng Butbut bilang kanilang tagapagsalita, dahil bagama’t walang pormal na edukasyon si Macli-ing, palagi niyang nakikita ang mga tamang salita para sa kung ano ang kailangan nilang sabihin.
Ito ang mga binitawang salita ni Macli-ing Dulag tatlong buwan bago siya patayin, “Kung kayo, sa paghahanap niyo ng maginhawang buhay, naninira kayo ng buhay ng iba. Tutol kami diyan. Ang sa amin, kayong nangangailangan ng kuryente, hindi iniisip ang mangyayari sa amin. At masisira ang aming buhay. Ang pangangailangan ba sa kuryente ang magiging dahilan ng aming kamatayan? Ang paggawa ng mga dam sa aming ilog ay makasisira sa mga ari-arian na aming ikinabubuhay. Kaming mga taga-Kalinga ay kilala sa mapayapang pamumuhay, pero ‘yung proyekto ninyong dam ay nagdadala ng gulo sa amin. Kaya, kalimutan na ninyo ‘yang dam, ayaw namin ‘yan.”
Ipinahayag rin ni Macli-ing ang paggalang ng mga tao para sa lupain, na pinagtitibay ang kanilang karapatang manatili: “Tinatanong niyo kami kung pag-aari namin ang lupa. At kinukutya kung meron kaming titulo. Kapag tinatanong namin ang ibig sabihin niyan, sinasagot niyo kami nang pabalang. HAMBOG na sabihin na pag-aari mo ang lupa. Kung sa totoo’y pag-aari tayo ng lupa. Paano mo maaangkin ang isang bagay na mananatili, kahit matagal ka nang wala?”
Noong April 24, 1980, si Macli-ing Dulag ay pinaslang ng mga sundalo ng gobyerno mula sa 44th Infantry Batallion ng Philippine Army sa ilalim ni Lt. Leodegario Adalem. Pinalibutan ng mga sundalo ang kanyang bahay ng gabing iyon at pinaulanan ng bala. Nagtamo ng 10 tama ng bala si Macli-ing at agad na namatay.
Resulta ng kaganapang ito, pinalakas ng mga Kalinga ang kanilang pasya na labanan ang CRBDP, na nakakuha ng suporta mula sa buong bansa. Ang sabi nga ng isang pangat sa Kalinga na si Apo Takhay, “ang nayon ay nagluksa, ngunit hindi umiyak” pagkatapos ng pagkamatay ni Makli-ing Dulag. Ang pakikibakang anti-Chico Dam kalaunan ay isinama sa buong bansang pag-aalsa laban sa rehimeng Marcos.
Noong March 1982, isang kongreso ng mga pinuno ng tribo, pangunahin mula sa Mountain Province at Kalinga, ay nagpulong sa Bugnay upang muling suriin ang Bodong at palakasin ang inter-tribal federation na nagmula rito. Ang Kalinga-Bontoc Peace Pact Holder Association (pinangalanang Cordillera Bodong Association o CBA noong sumunod na taon) ay nabuo pagkatapos nito.
Noong 1984, ang CBA ay nakiisa sa 26 na iba pang organisasyon na kaalyado sa kanilang layunin upang bumuo ng Cordillera People’s Alliance (CPA) at nanawagan para sa pagtatatag ng isang autonomous Cordillera Region, na binubuo ng Abra, Kalinga-Apayao, Benguet, Ifugao, at Mountain Province. Sa kanilang bahagi, nagpasya ang CPA na gunitain ang Abril 24 bawat taon pasulong bilang Araw ng Cordillera, upang parangalan si Macli-ing Dulag at ang lahat ng iba pang martir na nagbuwis ng kanilang buhay sa pakikibaka para sa karapatan sa buhay, lupain at pagkakakilanlan. At gayundin upang parangalan ang lahat ng walang humpay na sumasalungat sa mga puwersang nagbabantang bumunot sa kaayusan ng lipunan at kosmiko ng mga komunidad ng Cordillera.
44 taon na ang nakalipas mula nang mamatay si Macli-ing, at ang kanyang pamana ay itinataguyod pa rin ng mga Cordilleran hanggang ngayong ika-40 anibersaryo ng Cordillera People’s Alliance (CPA). Patuloy nilang pinangangalagaan ang kanilang mga ninuno, at patuloy na ipinakikilala at ipinaaalala sa mga Pilipino ang kanilang mga pakikibaka kung kaya’t ang pagsisikap ni Macli-ing at ng mga taga-Kalinga ay hindi mababawasan o mabubura sa alaala. Ang kanyang pangalan ay nakaukit sa Wall of Remembrance; higit pa, ito ay nakaukit sa mga talaan ng kasaysayan ng Pilipinas.
———————————–
Resources:
https://www.youtube.com/watch?v=2IKUL4LxMl0
https://countercurrents.org/2022/11/macliing-dulag-the-man-who-died-defending-the-cordillera-its-people-and-its-lands/
https://hrvvmemcom.gov.ph/remembering-macli-ing-dulag/#F1
https://martiallawmuseum.ph/magaral/martial-law-heroes-macliing-dulag/
Comments (0)