Palusot ni Binay
Palusot ni Binay
Sawang-sawa na ako sa mga palusot ng mga pulitikong naaakusahan ng katiwalian. Lalo tuloy akong napapaisip na guilty sila.
Lantad na naman ito sa kaso ng mga Binay nang lumabas ang freeze order sa ilang bank account ng pamilya at tauhan nila. Inutos ito ng Court of Appeals (CA), batay sa report ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), na 242 na mga bank account ang tila ginamit ng mga Binay upang itago ang perang ninakaw sa kaban ng bayan.
Naalala ko pa nang ipinahayag ni VP Jejomar Binay na hindi siya haharap sa imbestigasyon ng Senado. Hindi raw ito ang tamang paraan ng pag-iimbestiga sa mga ibinibintang sa kanya. Aniya, kasuhan na lang daw siya sa korte at doon siya haharap sa publiko. Madrama pa niyang sinabi na kung idadaan lang siya sa tamang proseso, mapapatunayan niyang inosente siya.
Heto na ang tamang proseso ng AMLC at CA. Inaabangan ko ang maginoong VP na matapang na humarap sa publiko at isiwalat ang katotohanan. Hinihintay ko ang malinaw na ebidensya ng kanyang nakakasilaw na integridad.
Comments (0)