Temporary Foreign Workers, Kidapawan Masaker at mga karanasan ng isang Lider Manggagawa
Temporary Foreign Workers, Kidapawan Masaker at mga karanasan ng isang Lider Manggagawa
Panayam kay Maria Castañeda
Ni Lui Queano
Radyo Migrante Producer/Writer-Host
Isang karangalan para sa mga Pilipinong manggagawa dito sa Toronto ang pambihirang pagkakataong makapanayam si Maria Castañeda, isa sa iilan lamang na mga babaeng lider-manggagawa. Anak ng dekada sitenta si Castañeda. Puno ng aktibismo ang dekadang ito. Sa panahong ito humagupit ang diktaduryang Marcos sa pamamagitan ng Batas Militar. Marami sa ating mga kababayan ang naging biktima nito. Ito rin ang panahong nagluwal sa mga lider estudyante, lider-manggagawa, lider ng mga kababaihan, at mga makabayang artista na tulad nina Bonifacio Ilagan, Behn Cervantes, Bien Lumbera, Emman Lacaba, Lorena Barros, Sining Bayan, Judy Taguiwalo, Pete Lacaba, grupo ng mga manunulat kagaya ng Galian sa Arte at Tula (GAT), at iba’t-iba pang mga grupo at indibidwal. Tinapatan nila at inugat ang diktadurya at ang Batas Militar.
Nang maimbitahan ng Filipino Workers Network (FWN) si Maria Castañeda bilang panauhing tagapagsalita para sa unang kumperensiya ng mga Pilipinong manggagawa sa Toronto Abril 9 2016 sa Ontario Federation of Labor (OFL), hindi pinalampas ng Radyo Migrante ang pagkakataong makapanayam siya. Naging bahagi rin ng panayam sina Ben Corpuz, Paulina Corpuz at Michael de Guzman, mga kasapi ng FWN. Mababasa sa ibaba ang sipi ng panayam na inere sa Radyo Migrante Vibe 105.5 FM noong Abril 10.
—————————-
Radyo Migrante (RM): Ano po ang nature ng inyong trabaho sa labor movement sa Amerika? Maria Castañeda (MC): Ang 1199 SEIU United Health Workers East ay unyon ng mga manggagawa sa Amerika. Karamihan ng members namin, yung 420,000, ay mga nagtatratrabaho sa hospital, nursing home at home care. May 1199 SEIU sa limang states, sa New York, New Jersey, Massachusetts, Florida at Maryland at District of Columbia. Primarily trabaho ng union na i-proprotect ang healthcare workers in terms of collective bargaining, contract negotiation and contract enforcement. 31 years na ako sa union, ito ang unang trabaho ko sa US.
RM: Naging bahagi din ba kayo ng labor movement sa Pilipinas? Paano ito nakatulong o nakaimpluwensya sa pag-oorganisa ninyo ng unyon sa Amerika?
MC: Hindi ako naging bahagi ng labor movement nang umalis ako sa Pilipinas noong 1985. But I was a student activist in the 1970s. Doon ako natuto ng pag-oorganize at pagsasalita. Bago din ako umalis, nakapagtrabaho ako sa Ecumenical Centre for Development (ECD) which is an NGO faith-based community organization.
RM: Bilang babae, nahirapan ba kayo o naging hamon sa inyo ang pamunuan ang unyong may 420,000 kasapi?
MC: Hindi naman mahirap kasi may progresibong pananaw rin sa kababaihan ang mga kapwa ko opisyales ng unyon. Isa pa, karamihan din sa mga kasapi ng union ay kababaihang nagtatrabaho sa hospital, nursing home at home care, kaya mataas ang respeto nila sa kakayanan ng kababaihan.
RM: Ano ang mga naging tagumpay na ng inyong unyon?
MC: Ang isa sa mga proud moments ng 1199 SEIU ang Collective Bargaining Agreement giving the workers good wages, good work standards, and fully-paid ng employers ang health care at pension fund ng employees.
RM: Ano ang masasabi ninyo kung makipag-ugnayan sa mga unyon ang mga temporary workers ng Canada?
MC: Sa akin, unyon ang vehicle ng mga manggagawa at migrante. Sa isyu ng mga temporary workers, I think mabuting makipag-ugnayan sila at makipagtulungan sa labor unions o labor movement sa pag-reresolve ng mga issues nila. Matutulungan sila ng mga unyon. Halimbawa yung job protection, labor laws na nag-proprotect sa kanilang kalagayan at para rin hindi sila ma-exploit. As temporary workers, they don’t have voice in the workplace, the labor union should be a strong advocate for them. So importante na ang mga temporary workers makipag-alliance kasi unyon ang magiging kasama nila sa pag-address ng mga issues nila as temporary workers.
RM: Ano po ang pagkakaiba ng labor movement sa US at Pilipinas sa aspetong organizing at educating the workers?
MC: Sa tingin ko malaki ang pagkakaiba ng organizing ng unyon sa Pilipinas at sa Amerika o sa Canada. Dito sa Amerika at Canada talagang legal , recognized at respetado ang mga unyon. Sa Pilipinas ang mga unyon minsan mga dilawan, second kung nakikipag-negotiate sila sa management, nagkakaroon ng harassment. Nababasa ko sa dyaryo, even sa TV maraming mga labor leaders ang napapatay o nahuhuli just because they are organizing a union. Dito sa Amerika at sa Canada protected action ang maging unyon.
RM: Tungkol naman po sa karanasan ninyo bilang immigrant sa Amerika, nakatulong ba ito sa inyo at nagtulak sa inyo upang maging isang lider ng mga manggagawa?
MC: Lagi kong sinasabi sa mga kababayan natin sa Amerika na pare-repareho ang karamihan sa mga istorya: nagpunta tayo sa Amerika o dito sa Canada para magkaroon ng mabuting buhay para mapakain natin ang ating pamilya, para magkaroon tayo ng sahod na makakatulong sa pagtustos ng edukasyon nila. Pagdating natin dito, we end up in different jobs. Pangarap nating magkaroon ng magandang kabuhayan para mapag-aral natin ang ating mga kapatid o anak, makatulong sa mga kababayan at kapamilya natin sa Pilipinas, but how do you create good jobs here in Amerika or Canada kung hindi tayo sasama sa unyon? Unyon ang tanging organisasyon ng mga manggagawa whether temporary worker ka o nagtatrabaho ka sa isang business, hospital, or fast food, o government office. Ang unyon ang tuntungan ng mga manggagawa para maipaglaban ang magandang suweldo at benefits.
Noong pumunta ako sa Amerika, nag-volunteer ako sa Philippine Centre for Immigrant Rights. Ang organisasyong iyon ang tumutulong sa mga Filipino in terms of education and legal services kung kailangan nila para sa kanilang immigrant status. At that time, temporary working visa lang ang visa ng mga Pilipino nurses. Lagi silang tinatakot ng employers nila na kung ‘hindi kayo susunod sa gusto namin at sa mga patakaran ng ospital, pababalikin namin kayo sa Pilipinas. Hindi namin ire-renew ang visa ninyo.’ Doon pa lang, nakita ko na ang exploitation. Takot maging active sa unyon ang mga nurse na may temporary visas dahil nga sa sinasabi ng management na hindi ire-renew ang visa nila. Tinulungan sila ng unyon, nag-lobby kami sa gobyerno para ipasa ang Nursing Relief Act. This act grants them permanent resident status. Nang maipasa ang Nursing Relief Act, nakapag-apply ng green card ang lahat ng mga Filipino nurses on temporary visa, tapos na reunite nila ang mga asawa at anak nila sa New York kasi naging green card holder sila. Doon pa lang kita nang kapag ang unyon ang tumulong sa mga migrante, nagagamit nila ang lakas nila para sa mga issues natin.
RM: Kanina sinabi ninyo na kailangan gamitin ang kapangyarihan ng unyon para maisulong ang mga agenda ng unyon, bilang isang union lider bakit ganito ang inyong misyon?
MC: As a union leader, nakikita kong ginagamit ng employers yang anti-union tactics. Tinatakot nila ang mga walang green card. Nagiging dahilan ito para humina ang unyon. Dahil gusto kong lumakas ang union, sinubukan kong gamitin ng unyon ang kanyang lakas para makapag-lobby ng mga batas para sa mga immigrant. Si President Obama, gumawa siya ng executive action for immigrants. Sa New York, one in every four Filipinos are undocumented. May mga kaibigan ako at kakilalang undocumented. Alam ko ang hirap na dinadanas nila. Hindi sila makauwi sa Pilipinas kahit gusto nilang magbakasyon. Nagkasakit, namatay yung magulang nila, hindi sila makauwi kasi nga wala silang papel. Kaya nagsikap din akong maipanalo itong immigration reform sa U.S. dahil alam kong makakatulong ito nang malaki sa maraming-maraming Pilipinong kababayan natin.
RM: Paano ninyo po inili-link sa mga isyung kinakaharap ng mga manggagawa sa Pilipinas ang malaking union sa Amerika na na-organize ninyo?
MC: Ang union members kasi namin karamihan mga migrante na nanggaling sa ibat-ibang bansa. So, madali silang mag-symphatize sa mga immigrant issues kasi sila mismo immigrants. In fact noong nagkaroon ng bagyong Yolanda sa atin, ‘yun pa ngang mga member na non-Filipino workers ang nangumusta, ‘what can we do to help the people in the Philippines?’ We were able to raise US$600,000 para doon. Nakipag-ugnayan kami sa mga organizations sa Visayas para suportahan ang mga projects na gusto nilang i-fund. Rebuilding ng mga daycare centres, rebuilding ng mga health centers, yung mga bangkang nasira, yung mga kababaihang nawalan ng trabaho, yung mga makina nila – may tinulungan kaming mga sewing cooperatives. Pati tricycle nga e, nag-fund kami ng 40 tricyles. Kasi yung mga nagta-tricyle sa isang community sa Leyte, nawala ang tricyle nila. So they requested for funding to buy 40 tricyles.
RM: Ano pong mensahe ninyo sa mga kabataang Filipino dito sa North Amerika? May mga members din bang young workers doon sa U.S.?
MC: Nagbabago na ang workforce sa US dahil nagre-retire na ang matatanda. Kabataan na ang pumapalit sa kanila.. Hindi alam ng mga kabataang ito ang mga pinagdaanan ng mga senior workers, iniisip nilang yung union dues na binabayaran nila buwan-buwan ang pinanggagalingan ng benefits na ini-enjoy nila ngayon.
Hindi nila alam na dahil ito sa matagal na pakikipaglaban ng mga manggagawa. Kailangan na malaman ng kabataang kaya maganda ang kalagayan nila ngayon, dahil ito sa 50 years ago, 30 years ago, ipinaglaban ito ng mga manggagawa. Kailangan nila ituloy ang laban upang hindi mawala ang mga ganoong benefits.
RM: Nitong April 1 po nagprotesta ang mga magsasaka sa Kidapawan, sa Pilipinas humihingi sila ng bigas upang may makain, wala silang inani dahil sa El Niño, pero sa halip na bigas, mga pulis ang dumating at pinagbabaril sila. Nangyayari po ang karahasang ito sa mga magsasaka pero nangyayari din ito sa mga manggagawa, lalo na sa Pilipinas.
Bilang isang labor leader, alam naming nakikiisa din kayo sa pakikibaka ng mga magsasaka, ano po ang tingin ninyo sa nangyari sa ating mga kababayang magsasaka?
MC: First of all kung ang mga magsasakang naapektuhan ng El Niño ay lumapit sa gobyerno para sa bigas, hindi dapat bala ang ibigay nila. Kailangan nilang i-address iyong isyu, kung bigas, bigas! Hindi tama iyong dahil nag-oorganisa yung mga magsasaka, humihingi ng tulong, gagawan ng karahasan. Iyan ay isang problema sa Pilipinas e, pag nag-oorganisa ang mga manggagawa o magsasaka laging karahasan ang sinasagot ng gubyerno.
RM: Sa inyo po bang palagay, may kinalaman dito ang politika? Sa pag-ipit o pagbibigay ng mga hiinihingi ng mga manggagawang bukid?
MC: Just in general, alam mo naman sa atin ang pulitika, panahon ng eleksyon, iwi-withhold nila yung funding o yung support kung hindi ka susuporta doon sa may hawak ng pera. Yun ang ginagagawa ng karamihan pag eleksyon. Baka kaya ayaw nilang tulungan itong mga magsasaka e dahil hindi sila sumusuporta sa kung sinuman iyon humahawak ng pera. Isa iyan sa mga sakit ng pulitika sa Pilipinas.
RM: Ano po ang mensahe ninyo para mapalawak pa at mapatatag ang hanay ng mga manggagawa kagaya halimbawa ng Filipino Workers Network (FWN)?
MC: Sa mga Filipinong mangagawa dito sa Canada, nabalitaan ng mga Pilipino ang fastest growing work force dito sa Canada. Kung tayo ang pinakamalaking bilang, kailangang maging aktibo tayo sa mga unyon, sa mga organisasyon na nakikipaglaban para sa kabutihan at kapakanan ng mga manggagawa. Kasi kung tayo ang pinakamarami sa work force pero wala naman tayong pakialam, hindi maipaglalaban ng unyon ang mga adhikain nila. At ang mga issues naman na dapat ipaglalaban ng union, dapat iyon yung mga mga issues na kailangan o gusto natin tulad ng mataas na sahod, job security, benefits, respect in the workplace. Maa-achieve lang ito kung magsasama-sama tayo bilang isang matibay na unyon.
Comments (0)