PARAGAS: Mga Awit ng Pag-ibig, Pakikibaka at Pagsulong
PARAGAS: Mga Awit ng Pag-ibig, Pakikibaka at Pagsulong
Sa Facebook event page ng Paragas, ikinuwentoni Edge Uyanguren ang kanyang paglalakbay lulan ng Victory Liner mula Davao hanggang Surigao “habang nag-e-emote” sa saliw ng awiting “Anak ng Bayan”. Ito raw ang paborito niyang awit habang kumikilos siya kasama ang mga Lumad at magsasaka sa Davao.
Ipinanganak at lumaki si Ed sa Davao. Sa bayang ito siya nabuo bilang isang rebolusyonaryong manggagawang pangkultura, kasabay ng paglakas at paglawak ng kilusang masa sa Mindanao, mga magsasaka, manggagawang bukid, Lumad, Moro, at pulang magdirigma. Bukod sa pagiging kompositor at mang-aawit, si Edge rin ang Coordinator ng Save Our Schools Program (SOS). Para sa SOS at sa mga batang Lumad na biktima ng militarisasyon ang kikitain ng kanyang album.
Sinimulan ni Edge ang pagsusulat ng titik para sa kanyang musika noong 2000 sa kasagsagan ng kampanya para sa pagpapatalsik kay Erap.“Noong 1998 talaga ako nagsimula sa songwriting. Pero yung progressive themes, noong 2000 yun, panahon ni Erap.” Sinabi rin niyang malaki ang impluwensiya sa kanya ng kanyang mentor na si Danny Fabella ng Musikang Bayan, at masasalat ito sa mga awit na nasa Paragas. Labing-anim na taon ang nilakbay niya bago nabuo ang PARAGAS. Salitang Manobo ang paragas na ang ibig sabihin ay “patuloy, padayon.” Nakuha niya ang pamagat na ito sa mga sulat sa kanya ng mga aktibistang nakabase sa Davao. Tinatapos nila ang kanilang mga liham sa salitang paragas.
Binubuo ng labindalawang mga awit ang Paragas na tumatalakay sa pakikibaka ng mga magsasaka, manggagawa, katutubong minorya, kababaihan, kabataan at mga bilanggong pulitikal. Matapang man ang mga awit, may hatid naman itong pagsuyo na ukilkil sa malay ng bawat isang umiibig. Ang pag-ibig na tinalunton ng album ay nagluwal ng iba’t-ibang pakiramdam na maghahatid sa mga tagapakinig sa mga lugar na hinahagupit ng pang-aapi at pagsasamantala, lalo na sa lugar ng mga Lumad sa Mindanao. Hinahamig ng mga titik ang danas ng mga Lumad habang hinahaplos ang damdaming makabayan ng sambayanan.
Madarama ang panawagan ng kapayapaan sa D’yandi, isa sa mga awit na nasa album. Ang D’yandi ay salitang Bagobo at B’laan na ang ibig sabihin ay kasunduang pangkapayaan . Inawit ni Edge ang kapayapaang hinahanap ng mga Lumad sa awiting ito:
Itigil ang karahasan
Laban sa taong bayan
Wakasan ang pagsasamantala
Ngayon tayo’y magkaisa
Dyandi, Dyandi, Dyandi, Dyandi!”
“Kasi sabi nila sa kabataan lang daw yung init ng pakikibaka, kapag tumanda na nag-iiba na ang priorities kaya titigil na”, sabi ni Edge. Pero sa awit na Panata, sinalungguhitan ni Edge na ang pagtanda at pagpapakasal ay panata rin hindi lamang para sa minamahal kundi para din sa bayan. Sinasabi ng awit na dapat lalong magpursige at magpatuloy sa halip na mawala na lang o maiwan sa “tabing-daan ng paglaya” dahil lang sa na-inlab.“Mas malakas nga lalo dahil dalawa na ang nanumpang magsisilbi sa bayan. Nadagdagan. Magkatuwang sa pagsusulong,” paliwanag pa ni Edge. Ito ang nais niyang ipaghiwatig sa awit na “Panata”
Ipinapangako ko
Ang aking buong katapatan
At pagmamahal sa ‘yo
At sa mga prinsipyong
Nag-uugnay sa ‘ting
Pandama’tkamalayan
Ipinapangako
Ang walang hanggang
Pagmamahal.
“Isa sa pinakamasakit na awit para sa akin ang BALA. Iyak ako nang iyak habang sinusulat ko iyon.” Sino nga ba ang hindi matitinag sa danas ng mga magsasakang humingi ng bigas dahil sa matinding kagutuman at ang ibinigay sa kanila ay bala.
Kami ay narito
Mula sa malayong lupain
Natuyo ang sakahan
Binitak-bitak ng El Nino.
Ngunit di namin inakala
Na sasalubungin n’yo ng bala
Mga kumakalam na sikmura
Ng libu-libong magsasaka
Dumanak ang dugo
Sa lupang pangako
Alingawngaw ng mga punglo
Sa lupa ng Cotabato.
Sa kanyang FB page, sinabi rin niyang parang pultaym din ang pagsusulat niya ng mga awiting ito kagaya ng kanyang paglilingkod sa masa. Ang mga liriko at tunog na mapapakinggan sa kanyang musika ay mga panawagan para sa aktibong pakikilahok ng sambayanan upang makamtan ang inaasam na pagbabago. Sa panahong ito na samut-sari ang mga nakahaing musika sa mga millennial, ang PARAGAS ay isang alternatibong tinig na kayang bumihag sa kanilang panlasa at pandama dahil ang mga awiting narito ay tungkol sa mga pakikibakang kinakaharap at sinusuong ng bayan, tumatalakay sa kaapihan, paglaban at paglaya ng sambayanan.
Ang PARAGAS ay testamento ng rebolusyon at pag-ibig. Ang bawat tunog at titik nito ay patunay na nagpapatuloy ang ating pakikibaka at pag-ibig. Ang musika ni Edge Uyanguren ay parangal sa pakikibaka at rebolusyon, isang uri ng musikang gumigising sa pag-asa at kumikiling sa pambansang kalayaan. Isang tunay na musika ng protesta – mga awit ng pag-ibig, pakikibaka at pagsulong.
Comments (1)