Nagawi ka na ba sa may Bathurst at Wilson?
Nagawi ka na ba sa may Bathurst at Wilson?
Kung hinahanap mo’y isang katulad na alaala ng iyong bayang pinagmulan, amoy ng kusinang Pinoy, pamilyar na kwentuhan sa mga kainan at kapehan at umpukan ng mga kababayan o tagpo ng bentahan ng gulay at prutas sa gilid ng abangan ng bus o kaya nama’y mga anas, sutsot at halakhak na tila baga kasanayan ng tengang lumaki sa pondohan- ang Bathurst sa kanto ng Wilson ang dapat mong puntahan.
Naging palasak ang lugar na ito sa dulong hilagang bahagi ng kalakhang siyudad ng Toronto marahil sa dumaraming mga kababayang waring nagsasalu-salubong sa baybay ng lansangan. Batay sa lumalaking bilang ng mga migranteng Pinoy na naninirahan sa kalakhang Toronto, ang Bathurst sa kanto ng Wilson ay isa sa may pinakamalaking bilang ng mga Pilipino kundi man ay may litaw na litaw na pamayanan kung saan sa lahat ng sulok nito’y may hibo ng kulturang Pinoy.
Ayon sa pinakahuling ulat ang bilang ng mga Pilipinong naninirahan sa Toronto ay umaabot na sa 662,420 kung saan may bilang na 28,000 ang mga Pilipino sa Bathurst. Palaki nang palaki ang bilang na patuloy pang dumarami sa pagdagsa ng mga dumarating na migrante. Ayon pa rin sa istadistiko, naungusan na ng Pinoy ang Tsina at India bilang pinakatampok at pangunahing minoridad na mga migranteng dayuhan. Patunay lamang ito na may malaking inaambag na ang komunidad ng mga Pilipino sa gunam at kamalayan ng siyudad. Ibig sabihi’y may impluwensyang etniko ito sa sigasig ng kamalayan ng Canada. Tukoy naman at sadyang hindi maitatanggi ito sa mga nagsusulputang putahe ng mga Pinoy sa mga kainan lalo na sa Bathurst-Wilson na mapagkakamalang Filipino Town kahanay ng ChinaTown na palasak na sa kung saansaang sulok ng mundo.
Sa kasaysayan ng paglikas ng mga Pilipinong dumayo sa Canada, ang erya ng Bathurst-Wilson ay nagsilbing limliman ng kanilang mga pangarap. Dito ay itinaguyod nila ang magbuo ng bagong buhay at magtiyak ng kinabukasan para sa kanilang mga anak.
Kitang-kita at kapansin-pansin sa mga gusaling paupahan ang mga bumaba’t nananaog na mga Pinoy na maaring papasok sa trabaho o kaya’y may bitbit na mga anak para ihatid sa eskwelahan. Sa mga abangan nga ng mga sasakyan pihadong sa bawat limang sasakay, 3 doon ay Pilipino. Anupanga’t sa isang tanyag na kapehan gaya ng Starbucks halos lahat ng nagkakape’t nakatambay ay pawang mga Pilipino. Magkakasapungi’t naghuhuntahan maaring tungkol sa pulitika sa Pilipinas o bagong negosyong pagkikitahan o marahil pagniniig lamang upang sa pamuli’t-muli’y maramdaman ang bayang kanilang pinanggalingan.
Ang mga Pilipino ay sanay sa ganitong siste ng pakikipagkapwa-tao. Barkadahan at umpukang sadyang kinagigiliwan upang magsumbong ng kani-kanilang karanasan na maaring kabit sa kanilang trabaho, boss na abusado, problema sa buhay o imbitasyon sa kasayahang magaganap pa lamang gaya ng birthday party, karaoke, bbq, inuman o simpleng asaran at kulitan. Mga kinagiliwang kasanayan sa Pinas na nagagawa lamang sa piling ng kapwa kababayang naghahanap din ng pangagailangan’t pangkasayahan, pagkalinga’t pangungulila sa bayang pinagmulan.
Maraming makakainan sa nugnog na sityong ito ng siyudad. Magkakatabi’t kabi-kabila ang mga kainang Pinoy mula sa putaheng Kapampangan, Ilokano, Tagalog, Cebuano, Bisaya’t Mindanaw. Walang mintis ang panlasa sa mga tanawing nag-uusukan ang mga restawran at kusinang Pinoy panghalina ng sikmura at kutya upang maglaway sa gutom. May katotothanang ang pagkawala sa bayang mahal ay pagtatayo naman ng mga kubol at kutang sa laon’y bayan-bayanang pugaran ng mga kababayang hindi kailanman tumakas sa kanyang kultura’t kinagisnan.
Sa pagdamdam hindi maiwasang maniwala na ang ganitong pagkukumpul-kumpol ng mga Pinoy lalo’t nasa malayong bayan ay isang uri ng kultura upang magbuo ng isang lakas at katwiran. Tinig na bubusbos sa kamalayan sa bagong tirahan. Ang pagsasama-samang ito ay nakalilikha ng mga puta-putaking organisasyon na kalaunan ay magbubunsod ng malalaking grupong tingkayad na nagdidikta ng damdamin’t saloobin ng mga kababayan.
Kailan lamang ay nabuo ang isang grupong kung tawagi’y Taste of Manila. Ang grupong ito ay may bisyong magtayo ng isang pamayanang nakaangkla sa pangangailangan ng mga dayong Pinoy sa usaping kultura, pulitika at organisasyon. Sa kanyang asta may nasa itong tumumbok sa panlasa ng pinoy upang umukit ng mga pangangailangan na tatangkilik sa kanya bilang daluyan ng serbisyo publiko at iba pang anyo.
Walang masama sa pagbubuo ng mga grupong tumutupad sa pangakong pagsisilbi, ang hindi maganda ay kung ito’y ginagamit upang pagwatak-watakin sa halip na pagkaisahin ang mga kapwa kababayan.
Minsan kung magawi ka sa mga karatig pang kanto ng lugar mababasa mo pa ang mga patalastas sa mga haligi at unahan ng mga tindahan na nagbebenta ng tiket ng eroplano o kaya nama’y naglalako ng serbisyong konsultasyon para matulungan ang pamilyang kararating lang sa Canada. Kung bakit ganito’y dahil karamihan sa mga kababayang nasadlak sa Canada ay mga caregivers na nabigyan ng pag-asa ng gobyerno na madala ang kanilang mga pamilya ayon sa programa ng pandarayuhan o immigration. Nakawiwili o kundima’y nakauumay din namang pagmasdan na para bagang anino ng Lerma sa Quaipo ang sumalubong sa iyo habang naglalakad sa bahaging ito ng Bathurst at Wilson.
Bansag na taguri ang Bathurst-Wilson bilang luklukan ng komunidad ng mga Pilipino. Sa katunayan noong huling taon nang maglunsad ng isang pagtitipon na kilala din sa tawag na “Taste of Manila” naging palasak na bigkas sa buong Toronto na ito na nga ang maituturing na Filtown lalo pa’t dinayo ito ng humigit kumulang sa 200,000 mga Pilipino nang nakaraang taon. Sumabay na din siyempre ang mga iba pang lahi at mga nakisawsaw na mga pulitikong manliligaw sa botanteng Pilipino.
Kaya kung magagawi ka sa bandang ito ng siyudad sa Toronto parang nakarating kang muli sa pinanggalingan bayang Pilipinas. Pihadong babalik-balikan mo ang mga kalyehong binabaybay ng mga restawrang nagbubuga ng halinang ulam na lutong bahay. Sasakay ka sa bus at madidinig mo pa rin ang hagalpakan ng mga kababayang datirati’y nadirinig mo lang sa kanto ng iyong bahay sa Pinas, at, bigla maalala mo sina Aleng Tale, Mang Kanor, sina Otoy, Paking, Nene, Oka at iba pang mga kalaro noong nasa Pinas ka pa.
Doon, oo, doon yun sa may kanto, sa gawing Bathurst at Wilson.
Comments (0)