Parangal para kina Alice at Gelacio Guillermo, mga artista ng bayan
Parangal para kina Alice at Gelacio Guillermo, mga artista ng bayan
By Max Santiago
ManilaToday.net
Binigyang-parangal ang mag-asawang Gelacio at Alice Guillermo noong ika-13 ng Disyembre sa Bulwagang Bonifacio sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas.
Sina Alice at Gelacio Guillermo ay mag-asawang manunulat. Sila ay kilala bilang mga higante sa larangan ng progresibo at rebolusyonaryong panitikan at kritisismo. Sa kabila ng mga samu’t saring gantimpala at pagkilala ng mga institusyon ay nanatili silang tahimik at namuhay nang payak.
“Hindi sila mahilig sa parangal,” sabi ni Dr. Ramon “Bomen” Guillermo, panganay na anak ng mag-asawang Alice at Gelacio Guillermo.
“Ang importante ay patuloy na basahin ang kanilang mga salita, tignan ang kanilang mga nagawa noong sila ay buhay pa,” dagdag niya.
Kausap ni Bomen ang mga nagsidalo sa parangal: mga kaibigang matalik ng mag-asawa, mga kapwa manunulat at visual artist,musikero, mga nakasalamuha sa kilusang masa, mga aktibista at kabataang estudyanteng tila doon pa lamang nakikilala ang pamana ng dalawa.
“Sa ating pagbabasa ng mga akda nina Alice at Gelacio, sila’y nagiging bahagi ng ating kamalayan at laman. At tayo ang magpapatuloy ng kanilang pag-iral sa daigdig na ito, na kailangan nating baguhin upang mas maging makatao,” madiin na sinabi ni Bomen bilang pangwakas sa kanyang mensahe.
Si Alice Guillermo ay pumanaw noong Hulyo 29, 2018 at si Gelacio Guillermo naman ay pumanaw noong Setyembre 6, 2019.
Comments (0)