Demonyong Banyaga at si JR
Demonyong Banyaga at si JR
Ni Soliman I. Urduja
Sa Timpalak Walang Utak.
Host: Sino ang pambansang bayani ng Pilipinas?
Contestant: Wala bang clue?
Host: Ang mga unang titik ng kanyang pangalan ay JR.
Contestant: (Mabilis pa sa alas kuwatro) Jeric Raval!
Host: Hindi! Isa siyang doktor.
Contestant: (‘Sing talas ng kidlat) Dr. Jeric Raval!
Host: Hindi! Matagal na siyang patay!
Contestant: (Medyo natigilan at nag-isip) Ha? Patay na si Dr. Jeric Raval?
*****
Hay, naku!!! Ay, ambot!!! Susmaryosep!!! Ano ba iyan???
Hindi ko talaga mawari kung ako ay magagalak sa tuwa o makukunsumi sa inis. Sadya nga yatang napakarami pa rin ang mistulang nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa mga nagaganap sa kani-kanilang kapaligiran. Kung ganyan nga naman ang takbo ng pag-iisip ng marami, ipagdasal na lang kaya natin ang kahihinatnan ng ating bayan at mga kababayan.
Matagal-tagal na ring naitala sa mga samut-saring sulatin ang kasaysayan ni JR. Ngunit nakakahiya mang aminin ay kakaunti lang sa sanlaksa niyang kababayan ang matuwid na nakakaalala kay JR.
Ewan! Ang masakit na katotohanan ay masyado na yatang atubili ang marami sa makasariling pagpapayaman kaya kanila nang naibasura ang pagpapalago ng kanilang Inang Lahi, sinilangan man o hindi. Marami na rin ang nag-aasal tungaw na nakapatong sa kalabaw. Bato-bato sa langit, tamaan may bukol!
*****
Bakit nga ba hindi natin sariwain, kahit na sa sandali lang ito, ang sinapit ni JR sa kamay ng Demonyong Banyaga?
Ayon sa mga nasulat, si JR ay isang matalino nilalang na nagnais lamang makatulong sa kanyang kapwa Pilipinong inaapi ng mga banyagang ibig maghariharian at magpakitang sila ay mas nakalalamang – dahil sa kulay ng balat at sa pamamagitan ng mas nakapamumuksang sandata — sa mga Indio.
Tama. Indio nga pala ang tawag ng mga banyaga sa mga Pilipino. Hindi ba ang Indio ay hango sa katagang Indian na siyang mga katutubo at kauna-unahang naninirahan sa Amerika at pinalayas sa kanilang lupang sinilangan ng mga dayuhan?
Hay, naku! Mabalik nga tayo sa mga huling sandali ni JR. Sa dinami-dami ba naman ng mga Pilipinong kumukulo na ang dugo at nag-aapoy na ang damdamin sa makatuwirang pagtatapos ng kanilang kaapihan, si JR ang napili ng Damuhong Banyaga na pagparausan ng kanyang kamuhi-muhing kahayupan.
Kailangan nga namang patahimikin ang isang JR, hindi para pahintuin ang isang dumadagundong na himagsikan kundi para ibaon sa pang-habangbuhay na pangamba at takot ang mga kababayan ni JR. Ang mensahe ng Demonyong Banyaga: Ilagay ninyo sa lugar ang inyong mga sarili kung hindi ay papatayin ko rin kayo.
Marami ang nagkukumahog sa takot, parang asong bahag ang buntot, habang pinapanood ang pagbaril kay JR. Pero ang alam ko ay nanginginig din sila sa galit. Bagama’t naiintindihan nila na kung nagawa ng Demonyong Banyaga kay JR ang ganoon at maaari rin nilang sapitin ang ganoon. Ibig nilang gumanti. Pero kapayapaan ang turo ni JR–kapayapaang nasa kanyang mukha at maliit na pangangatawan nang kanyang tahakin ang kanyang huling paglalakbay sa daigdig ng mga mortal.
Hango sa kasaysayan, bago siya binaril ay nakiusap si JR na ibig niyang harapin ang babaril sa kanya. Ang sagot: Shut up! Baka nga naman makilala ni JR ang salarin at pagmultuhan. Kaya sa pag-alingawngaw ng mga putok ng baril ay pinilit ni JR na umalumpihit, hindi upang harapin ang bumaril sa kanya kung hindi upang masilayan sa huling pagkakataon ang liwanag ng sikat ng araw ng Perlas ng Silanganan.
Sa kanyang pagbagsak at sa kahuli-hulihang hibla ng hininga, pinilit ng kanyang mga nakatanikalang kamay na dumaklot ng buhangin at maliit na bato ng Lupang Sinilangan.
Patay na si JR. Wala siyang hawak na balisong. Ngunit ang bawa’t plumang nahawakan niya ay nagbigay-buhay sa paniniwala ng mga kasapi ng KKK o Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan. Hoy! Ang KKK ay hindi Ku Klux Klan.
At isa pa, si JR ay hindi si Jericho Rosales.
Comments (0)