Indiopendencia
Indiopendencia
Ni Roberto Lavidez
Ang paggamit sa salitang ‘Indio’ na galing sa mga kolonyalistang Kastila at Amerikano, ay isang paghamak sa katutubong Pilipino. Ito’y pagpapahiwatig na tulad ng orihinal na tinawag na Indio (Katutubong Amerikano o Indian) sa kanluraning kontinente, ang Pilipino ay tinanggalan din ng kapangyarihan at karapatan sa lupang tinubuan.
Ang kanluraning sibilisasyon ay marahas na ipinuwersa sa Indio. Walang pananakop na maituturing na mapayapa at sibilisado, ngunit idiniin ng dayuhan na ang Indio ang barbaro na nangailangang sumunod sa kanyang ‘sibilisadong’ pangangasiwa. Kung kaya ang indipendensiya na nararapat lamang makamit ng sibilisadong mamamayan ay tiniyak ng mananakop na hindi makamit ng Indio nang sa ganun ay sila lamang na mga dayuhan ang maghari at makinabang sa likas na yaman ng bansa.
Malaking pakinabang para sa dayuhan na ang Indio ay manatiling ‘Indio’. Ang sabwatang simbahan at pamahalaan ay nagkamkam ng mga ari-arian upang mapilitang manilbihan ang Indio sa korporasyon ng mga dayuhan.
Sadyang mapagsamantala ang pundasyon ng estado na itinaguyod ng mga mananakop. Dahil wala siyang nakitang industriyang kahanay ng progreso sa kanluran, nagpasya siya, tulad nang paghusga ng mga Griyego sa mga Barbaros, na ang Indio ay walang karapatan sa katas ng sibilisasyon. Tiniyak muna ang kasaganahan at kapayapaan nilang mananakop habang ang hindi sibilisadong ‘Indio’ ay naghihikahos at nanganganib ang buhay.
At dahil sa sinaklawan ng dayuhan ang karapatan ng Indio, humina ang kalooban nito upang ipagtanggol ang sarili. Sa Indio pa ibinintang ang kawalan nito ng tiyagang umasenso at ginawang dahilan kung bakit ang bansa ay naghihirap.
Matapos pagnakawan ng ari-arian at lapastanganin ang pagkatao, ang Indio pa ang ininsulto na siya raw kasi ay batugan.
Ang misyon na iangat ang antas ng kanyang pamumuhay ay idinahilan lamang ng dayuhan upang siya mismo ay manirahan at maghari-hariang amo.
Sa paaralan pa lamang, kung makapasok man ang Indio, tinanim na ng dayuhan sa kaisipan ng kabataan na ang lahing kanyang pinanggalingan ay mababang uri, atrasado ang kultura at mahina ang pag-iisip. Sa loob ng ganitong makitid na edukasyon ikinulong ng among dayuhan ang kanyang pinaamong alipin.
Sa simbahan, sinunog ng prayle ang konsiyensiya ng Indio upang mapuksa ang anumang damdaming paghihiganti laban sa pang-aapi. Ang impiyerno sa lupa ay bantang umaalingawngaw sa loob ng simbahan tuwing sermon upang takutin ang mga erehe at usigin ang mga nagtatangkang sumuway sa takbo ng negosyo ng simbahan. Ang kaligtasan ng kaluluwa ay nakasalalay sa diyos-diyosang prayle na siya ring may hawak ng susi ng bilangguan. Kapag nagmatigas ang Indio, ang ‘anghel de la guwardia-sibil’ ang magdidisiplina sa kanya sa garote. Tawagin man ng Indio ang lahat ng santo, wala siyang kaligtasan sa kabangisan ng ‘sibilisadong’ alagad ng simbahan at pamahalaan. Saan nga ba tatakbo ang Indio kung ang kaaway niya mismo ay ang ‘tagapagligtas sa mga naliligaw ng landas’? Ang sunud-sunuran na militar na siyang makinarya ng karahasan ay tagapagpatahimik sa mga bumabatikos at nag-aaklas.
Ang sibilisasyon na binabakuran ng militar ay hango sa kultura ng karahasan, pag-alinsunod sa patakaran ng dayuhan, pagtutok ng baril sa target na Indio upang isurender nito ang yaman, lakas at talino para sa kapakanan nilang nasa tuktok ng herarkiya.
May pagkakaiba ba ito sa kasalukuyang kondisyon ng bayan? Ang Indio ba noong panahon ng Kastila ay nakalaya na sa mapang-aliping sistema ng kolonyalismo? Sino ang panibagong Indio? Sino ang panibagong kolonyalista?
Sa ngalan ng sibilisasyon, ang bagong kolonyalista ay patuloy na gumagahasa sa katutubong ganda at yaman ng lahing Pilipino. Ang pagpapasustento sa kanluraning sibilisasyon ay magwawakas lamang kung babaklasin ng bagong Pilipino ang rehas na madilim na kasaysayan ng Indio sa kanyang isipan at pagkatao.
Kung bibigyan ng bagong pakahulugan ang pagiging Pilipino, na kahit hindi na mabura ang Indio ng nakaraan, ito’y maaaring isalin ng kultura sa positibong pagpapahayag ng kakayahang magsarili at magtanggol ng soberenya. Indio nga kung ‘Indio’, ngunit tulad ng ipinahayag na ‘Indios Bravos’ ng mga ilustrado sa Europa, ito’y pagprotesta laban sa pakahulugan ng mga dayuhan. Ang Indio sa kanyang tinubuang lupa ang siyang dapat maghari. Ang Indio na umaasa at nagtitiwala sa sariling lakas at galing ay malaya sa kanyang pag-sulong. At sa pagkakaisa ng mga Indio, anak pawis man o maykaya sa buhay, ang pagtatanghal para sa kalayaan ng inang bayan ay nangangahulugang independensiyang walang ibang amo kundi ang sariling pagka- Pilipino, ang kasarinlang ‘Indiopendensia’.
Ang pagkaunsiyami ng sambayanang pagkakakilanlan dulot ng panghihimasok ng kanluraning sibilisasyon ay bagay na nakaraan. Ngunit ang kasaysayan ay patuloy na umuusad. Nangangailangan ng panibagong sigla ang kamalayang Pilipino upang isulong ang interes na pambansa, na may paggalang at paniniwala sa kakayahan at likas na kapangyarihan ng lahing Pilipino. Na hindi na ito patatangay sa agos ng kolonyalismo, imperyalismo, kapitalismo, Amerikanismo at lahat ng ‘ismo’ ng pananakot, pananamantala, pangungurakot, at pang-aabuso ng kapangyarihan. Dahil ang kapangyarihan ay nararapat lamang na nasa kamay ng ordinaryong Pilipino, na hindi kailangang ipalimos sa dayuhan. Taglay niya ang katangiang ikauunlad ng sariling lahi kung pahihintulutan lamang siyang makabangon matapos ng ilang daang taong pananalakay ng kanluraning kaisipan. Isang rebolusyon ang hinihingi ng panahon. Ito’y ang rebolusyon ng kaisipan. Walang ibang kalaban kundi ang kamangmangan. Kinakailangang pagtibayin ang laban sa mga banyagang konsepto ng pananaklaw ng kaisipan at paninira ng kalooban. Ang isinalin sa kamalayang Pilipino ng mga dayuhan ay pawang kaisipan na mapangpababang uri. Hindi nangangahulugan na makatwiran ang kanilang paghuhusga.
Ang lahing Pilipino ay hindi lahing barbaro. Ang lahing Pilipino ay hindi lahing batugan o magnanakaw.
Ang mga paratang na ito’y hindi pagmamay-ari ng pangkalahatang lahi kundi bunga ng sistemang nangunsinte sa bulok na pamamaraan, nagpalala sa problemang kinasangkutan ng mga masasamang elemento ng lipunan. Ang konsiyensiya ng sambayanang Pilipino ay hindi maaaring isakahon sa salitang walang basehan kundi ang atrasadong pananaw.
Ang lahing Pilipino ay binubuo ng kasaysayan ng pagsisikap na maging makahulugan ang paglilingkod sa bayan. Ang mga pagsubok sa karakter ng lipunan ay kasama sa proseso ng pagpapaka-Pilipino. Ang kulturang nagsilang sa katauhan ng Pilipino ay hindi lang binubuo ng kasaysayan ng materyal na kasaganahan at kahirapan. May sariling sibilisasyong nagaganap sa pagbabagong loob ng lahing Pilipino.
Ang Indio ng nakaraan ay hindi pabigat sa alaala ng Pilipino bagkus ito’y pampasigla sa suliraning pagbabago. Ang bunga ng kasaysayan ng kolonyalismo sa ilalim ng Espanya at Amerika ngayon ay naririyan upang masuri ang direksiyon ng panibagong panimula. Napapanahon na ang masigasig na paghimok sa mga kabataan, manggagawa at liderato na palaganapin ang rebolusyon ng kaisipan. Ang rebolusyong ito ang magpapalaya sa pagkabilanggo ng dayuhang konseptong ‘Indio’. Ang rebolusyong ito ang magpapalago sa kulturang Pilipino at magbibigay kulay sa kasaysayan ng paglaya sa pagka-alipin. Ang kamalayan at pang-unawa sa panibagong kahulugan ng lahing Pilipino ay isang pagsulong sa sibilisasyon. Ang pagsulong na pinagpawisan at pinagbuwisan ng buhay ay patuloy sa pakikibaka sa ngalan ng ‘Indiopendencia!’
Comments (0)