QUATRO UNO SEIS (416): Ang alyenasyong ramdam sa musikang rap ng Southeast Cartel
QUATRO UNO SEIS (416): Ang alyenasyong ramdam sa musikang rap ng Southeast Cartel
Ni Lui Queaño
Ang QUATRO UNO SEIS ay ang pinakabagong musikang rap ng grupong Southeast Cartel. Tinutukoy nito ang lugar kung saan umiinog ang kolektibong buhay ng grupong ito na may kolektibong danas ng pangingibang-bayan. Kadugtong ito ng mga nauna na nilang likha gaya ng “Pare, Ayos Lang!” na sumasalamin sa mga danas ng pandarayuhan o paninirahan sa bagong lupain. Sa mga unang linya ng rap at dito’y sinisipi ay ang pagpapakilala ng grupo: Homie tell em where you from/ Quatro Uno Seis/ Apat, Isa, Anim!/ Tugtugin ng Itim na Tupa!/ Mula sa pawis at luha/ Buhangin, tubig at lupa!/ Ako’y tapat. Ratatatat! Bawa’t banat alamat, Talamak sa bigat rehas ko, Kamandag ng hilaga ‘to, latak mula sa ugat-Tdot!
Binubuo ang Southeast Cartel ng walong kabataang Filipino (Biggz, Franchizze, Keith Skillz, Raygee, Pipoy, Rydeen, Check One, at Bustarr) na pinagsanib ng iisang alab: ang pagmamahal nila sa musikang rap at ang paggamit sa pormang ito ng sining para igpawan ang danas ng pangingibang-bayan at ramdam ng alyenasyon.
Isinilang ang pangkat na Southeast Cartel na isang Pinoy Hip Hop nang pangahasan itong buuin ni Francis “Franchizze” Fabie noong bandang 2010. Dating miyembro si Francis ng grupong Dos Armados at kagaya niya miyembro din ng ibang grupong Hip Hop sina Raygee at Bustarr (Sundaloz) at si Pipoy naman ng Puntoz Blankoz. Sa Soundlick, isang komunidad ng mga alagad ng sining sa musika na nakabase sa Toronto, unang pinatunog ang kanilang mga likha at doon ay naglayag na sa ere ang kanilang mga likhang rap.
Matatandaang sumirit ang kasikatan ng Hip Hop bilang kulturang popular sa Estados Unidos bilang daluyan ng paksang panlipunan kung saan malakas ang isyu ng rasismo noong dekada ’70 hanggang dulo ng dekada ’80. Pinaksa ng mga artista ng Hip Hop ang kalagayan ng mga itim, asyano at mga lahing hindi puti sa Estados Unidos. Naging behikulo ang Hip Hop hinggil sa mga usapin ng rasismo, di pantay na pagtrato, di makatarungang kalagayan ,pang-aapi at hindi makataong pagkalinga sa mamamayan.
Ang pagkakabuo ng grupong Southeast Cartel ay bunsod din ng kolektibong paghahanap ng komunidad kung saan pwedeng magsama-sama ang bawa’t kabataan na may iisang hilig. Bahagi din ito upang maibsan ang pakiramdam ng displacement at uprooted na siyang madalas na ramdam lalo’t nasa estrangherong bayan. Dahil bilang mga dayuhan lagi ng hinahanap ang koneksyon sa bayang iniwan at sa kulturang naghubog sa kanilang pagkatao.
Sa kabataang Pinoy na bumubuo ng Southeast Cartel matingkad na matingkad ang paggamit ng lenggwaheng Tagalog katambal ang wikang engles. Patunay ito ng buhay na kulturang nira-rap gamit ang sariling wika bilang pagbubuo ng mga sariling identitad sa ibang bayan. Ramdam ang alyenasyon sa kanilang likha dahil sa pagsisikap na makapag-iwan ng tatak sa daigdig ng musikang rap na kontrolado ng kalakaran.
Sabi ni Propesor Rolando Tolentino ng UP Diliman Mass Communication at dito’y sinisipi: “ Lumilikha tayo ng kanya-kanyang sanktwaryong mag-iibsan sa aktwal na realidad ngunit sa bandang huli’y ang kulturang popular ng naghaharing uri ang mananatiling salalayan ng panlipunang kamalayan ng mga mamamayan”.
Sa Toronto kung saan may tinatayang lagpas sandaang-libong Filipinong dito’y naninirahan lagi nang may pagnanais na makaugnay sa kulturang kanilang pinagmulan. Dahilan kung bakit may nalilikhang komunidad ng mga Filipino, umuusbong ang mga tindahan at mga restawrang Pinoy, kung bakit may Taste of Manila, diyaryong Pinoy, Piyestang Pinoy, pansit, tuyo, lechon at mga lasang alam nating atin at atin lamang. Dahilan din kung bakit may rap na Southeast Cartel na nagtatala ng kolektibong karanasan ng pandarayuhan sa danas ng mga kabataang Pinoy.
Bagama’t ang Hip Hop ay nagmula sa mga karanasan ng Afrikano-Amerikano, ayon naman kay Victor Wallis, “ ang awtentisidad ng hiphop ay hindi nag-ugat lamang sa pisikal na katangian ng sinuman o lenggwahe, kundi ito ay ang kolektibong karanasan ng pang-aapi.”
Malaking hamon kung gayon para sa grupong Southeast Cartel ang maging tagapagtala ng kolektibong karanasan ng mga kabataang Filipino gamit ang sining ng rap. Ang danas ng pangingibang-bayan, alyenasyon, kalungkutan, rasismo, panganib, pag-iisa at pandarayuhan ay mga pang-araw-araw na pakikibakang lagi’t-laging tutugunan. Ang kanilang musika ang siyang bibigkas upang ipagmalaki ang mayamang kultura ng lahing pinagmulan. Sa kanilang pag-ra-rap maihuhugis ang progresibong kaisipan at kamalayang makabayan, makatarungan at makatao!
Comments (0)