UPPERCASE BAND at ang Musika sa kabila ng daigdig
UPPERCASE BAND at ang Musika sa kabila ng daigdig
Marahil nga ay mayroong liting na nagdudugtong upang madinig ang kabilang dulo ng daigdig. Parang teleponong yari sa lata kung saan ito ay pinagdurugtong ng liting sa magkabilang-dulo ng dalawang magkalayong lata. Larong bata bunga ng kamusmusang idinulot ng paglikha. Pipitikin ang isang dulo at lilikha ito ng tunog sa kabilang dulo ng lata na parang ugoy ng hangin na maglalakbay sa liting at lilikha ng mayuming tarang dahil sa ugoy na idinulot ng pitik. Musmos tayo noon at bata pa nga ngunit ang mga ganitong danas ng kamusmusan kailanman ay namumukod-tanging gabay sa ating paglikha sa darating na bukas.
Sa awiting Balikbayan* ng bandang Uppercase tumatawid ang mga alaalang binabalik-balikan pagkaraan ng mga paglisan. Ang haplos ng melodiya ay nagdudugtong sa ating pinagmulan. Ala-ala itong lubhang mga karanasang iniingat-ingatan natin sa mga liblib na pasilyo ng ating puso’t malay. Ito ay maaring dumaloy pamuli’t-muli sa pamamagitan ng mga paglikha na maaring sa pagtula, pagguhit o sa musikang habambuhay na balabal ng ating puso at kamalayan. Sa musikang Balikbayan naging marubdob ang nalikha sa mga danas ng pangingibang-bayan. Tipikal naman itong pakiramdam sa lahat ng umaalis at nagbabalik. Kagaya ng musikang likha ni Mark de Leon ng bandang Uppercase lagi’t-laging may paglingon na siyang dugtong sa ating pinanggalingan.
Dal’wang taon lumipas, tandang-tanda ko pa
Sinulat mong paalam sa akin sa labas
“Uwi na ako sa aking bayan,
lamig ang aking daratnan.”
Parang kahapon lamang alaala sa isipan
Totoo lagi ang mga pakiramdam lalo na’t matapat ang paglalatag. Ito ang pinaramdam ng awit na Balikbayan. Kolektibong danas ng pangingibang-bayan. Para ka ngang tumuloy sa bagong planeta kung saan kakaiba ang klima, ramdam, lasa, bango, haplos, itsura, kulay o hibo ng umaga, hapon at gabi. Sa lahat ng mga dumayong kababayan laging may pangungulila sa bayang pinanggalingan na lagi’t-laging may pag-asam ng pagbabalik.
Ngayo’y nandito na,
mahal kong kaibigan
‘Wag mag-alala, ang nais ko’y
muli kang makasama
Mahalagang elemento sa musika ang ramdam na inihahatid ng melodiya. Ito ang humahaplos at kung ito ay matapat at lapat sa liriko tiyak itong yumayakap sa puso nang kusa. Dito tumatagos ang lahat ng pakiramdam at idudugtong nito ang liting na hindi kailanman malalagot upang makalikha ng mga alaala’t gunita.
‘Wag mong isiping sandali lang
kasiyahang matindi
Sulitin ang mga tawanan
tugtugan at mga inuman
Ako’y panandalian lamang,
bukas makalawa’y lilisan
Alam nating mayroong hangganan,
mahalaga’y ika’y nandiyan
Mahalaga para sa mga kababayang tuluyan nang nanirahan sa ibang bayan ang pamuling pagbubuo ng kanilang kultura, gawi at tradisyon sa bagong bayang kanilang muling bubuuin para sa kanilang mga anak. Kaya mahalaga sa kanilang maisalaysay sa pamamagitan ng mga kwento, tula, dula at awit ang mga danas ng paglalakbay. Kagaya ng musikang likha ng UPPERCASE Band pamuli’t-muling aawitin ito ng mga susunod na henerasyon ng mga taong nasa diaspora. At hindi lamang ipaalala ang sakit at pait ng paghihiwalay, pandarayuhan at pakikipagsapalaran sa ibang bayan kundi mas pa ang paglunas kung bakit sila nangibang-bayan. Sana nga’y lahat ng mga tao sa diaspora ay isang panaginip lamang upang sa pagbalik nila ay trabaho ang daratnan. Pangakong lagi’t-lagi ding taglay ng tamis ng dila ng mga politiko. Sa katototohanan pangako itong lagi ding napapako o kundi ma’y naisasantabi na lamang upang bigyang daan ang makasarilign interes ng mga nasa poder. Kung sana nga’y may nalilikhang trabaho sa Pilipinas at samakatwid walang pangangailangan upang manirahan sa labas ng bayan at hindi mistulang panaginip lang.
Umulit ang gabi, paalam at hikbi
Hanggang sa susunod na lamang
Lahat ay panaginip lang.
Anupama’y ang pangingibang-bayan kagaya din ng mga musikang nalilikha ay hindi na lamang pansariling desisyon kundi kolektibong layunin ng bansa. Hangga’t walang nalilikhang trabaho sa bayang pinanggalingan umuulit lamang ang mga musikang nagsasalaysay ng kolektibong danas ng mga tao sa diaspora at patuloy na mangingibang-bayan kasama na ang mga alagad ng sining sa musika.
*Ang awit na Balikbayan ay bahagi ng Time Space Warp album ng Uppercase Band na binubuo ng labing-isang mga awitin. Sa kasalukuyan ay naghahanda muli ang grupo para sa susunod nitong album. Bukod kay Mark de leon kasama din sa banda sina Kyle Silva, Joey Giagonia at Allan Lagat. Bukod sa banda pinagkakaabalahan din nila ang Indie Night kung saan nagsasama-sama ang mga musikero sa Toronto sa tugtugan ng mga orihinal na komposisyon sa Cusina Lounge sa Bathurst.
Comments (0)