Ang pitong Tausug
Ang pitong Tausug
Ni Rene Boy Abiva
Bulatlat.com
Noong araw na inaasahang tatama ang mata ni Ompong sa lupa ay s’ya namang araw kung saan kayo’y inani ng bala
sa Barangay Tambang, Patikul, Sulu.
Inihelera ng halimaw ang inyong katawan
na waring mga kalakal sa gitna ng pamilihan
at pinagpiyestehan ng mga usisero at midya
ang inyong lasug-lasog na laman,
at sa pagpisik ng lente ng kanilang mata at kamera.
Anong sakit sa inyong ama at ina
na kayo’y bansagang mga tulisan
gayong ang tangan ng inyong mga kamay
ay mga kahon nang kahun-kahon niyong pangarap.
Anong kabalintuang kung anong tinamis
ng lansones at mangostena
ay s’ya namang pait at lupit ng inyong kamatayan;
anong kabalintunaang sadyang marami sa ating kababayan
ang nakakalimot
mabahiran at madampian lang ng linamnam at tamis
ang kanilang dila at labi
ay limot na nila ang pait ng nakaraan.
Likas ngang higit na mas mayaman ang bayang ito
sa kabalintunaan.
Comments (0)