195 manunulat napili sa online iskrip writing ni Ricky Lee
195 manunulat napili sa online iskrip writing ni Ricky Lee
Ni Lui Queaño
The Phiippine Reporter
Parang isang bangungot ang pagdating ni COVID. Hindi natuloy ang mga disin sana’y mga pagtitipon ng mga magkakamag-anak, magkakaibigan, magsyota, tugtugan at gigs ng mga musikero, palabas sa teatro at kahit ang booklaunch na matagal nang nakaiskedyul. Huminto lahat at isa-isang kumunti nang kumunti ang mga galaw, kilos at daloy sa paligid. Ipinatupad ang social distancing (o physical distancing, terminong mas tumpak ayon sa mga nasa daigdig ng medikal).
Gayunpaman sa kabila ng pandemiko tinanggap itong hamon ni Ricky Lee, isang kilala , batikan at premyadong manunulat sa pelikula at telebisyon. Itinuloy nito ang natigil na pansamantalang Scriptwriting Workshop dahil kay COVID. Subalit dahil nauso naman ang mga webinars kaya ito ang ginamit ni Lee na paraan upang tuluy-tuloy pa rin ang kanyang libreng pagbabahagi ng kanyang kaalaman sa halos apat na dekada sa pagsusulat.
Sa humigit sa 1,200 mga aplikante para sa scriptwriting workshop ni Lee, 195 lamang ang napili at isa ako sa mapalad na nakasama sa listahan ng Batch 24 para matuto sa batikang manunulat. Dumaan sa masusing pagpili at nakatulong pa ni Lee ang may 35 na mga readers na binubuo ng mga director, actor at manunulat sa pelikulang tabing para siyasatin ang mga aplikante na mula pa sa sa Pilipinas, Japan, Europe, US at Canada.
Sa loob ng tatlong linggo mula Abril 15 hanggang Abril 29 bubunuin ng mga estudyante ni Lee ang sining ng pagsusulat sa pelikula at telebisyon. Lilikha sila ng mga kwentong tatalakay sa buhay ng mga kababayan sa loob at labas ng bansa, hahanapin nila ang mga daan o maaring bangin na kailangan nilang lagpasan o talunin kaya, pasukin, usisain at sa huli’y mahalin upang makalikha ng isang mundong hinubog mula sa iba’t-ibang danas ng mga karakter na halaw sa realidad at pakikipagsapalaran.
Una kong nakasalubong si Lee sa isang tambayan ng mga manunulat, artista at musikero sa bahay ng pilantropistang si Odette Alcantara sa Lantana Church sa Cubao. Unang bahagi iyon ng dekada nobenta. Nagsisimula pa lamang akong seryosohin ang pagsusulat noon. Sa pagkakaalala ko’y 19 years old lamang ako. Subalit hindi pagsusulat ng iskrip ang pinag-aaralan ko noon kundi ang paghahabi ng tula sa ilalim ng gabay ng GAT (Galian sa Arte at Tula na datihang pinamunuan ni Virgilio Almario).
Sa bahay ni Odette Alcantara sa Cubao doon madalas nagkikitakita ang mga alagad ng sining kagaya nina Bien Lumbera, Gelacio Gullermo, Alice Guillermo, Pete Lacaba, Marra Llanot, Aida Santos, Fidel Rillo, Jess Santiago, Romulo Sandoval, Aida Santos, Doreen Fernandez, Noni Queano, Ed Maranan, Nick Atienza, Bayani Abadilla, Reuel Aguila, Yshmael Bernal, Tom Agulto, Wena Festin, Nick Doloricon, Luna Sicat, Nestor Mata, Direk Joel Lamangan, Chikoy Pura, Joey Ayala, Noel Cabangon, Gary Granada, Rom Dongeto, Roland Tolentino at marami pang ibang hanggang ngayon ay aktibo pa rin sa paglikha.
Doon ipinanganak ang hasaan, musikahan, tulaan pati ang mga ganap sa entablado at pelikula. Walang pandemiko noon kundi marahil ay ang matatawag na krisis sa pulitika ng bansa na madalas ginugulantang ng coup d’etat. Sa panahong iyon lumilitaw ang hiwaga ng paglikha at matining na pakikisangkot ng mga artista ng bayan sa iba’t-ibang larangan ng sining upang palitawin ang katotohanan ng panahon.
Sa panahon ni COVID hindi nahihinto ang pagtahak para suyurin ang mga daan, pasilyo man ito o sityo na pinaglalagakan ng mga kwento, musika o talinghaga ng panahon. Maraming paraan at malikhain ang mga nasa sining upang bigyan ng inspirasyon at pag-asa ang mamamayan para harapin ang panahong ito ng epidemya. Kagaya ni Lee at ng iba pang mga alagad ng sining sa musika, pagguhit, teatro, at sa iba pang porma ng sining madidinig natin doon dibdib ng mamamayan kung saan tumitibok ang puso.
Comments (1)