New Year call sa Comelec: Sundan ang yapak ng 35 tabulators
New Year call sa Comelec: Sundan ang yapak ng 35 tabulators
RAPPLER EDITORIAL:
Sundan sana ng Comelec ang propesyonalismo ng 35 tabulators na nauna sa kanila tatlong dekada na ang nakalipas
Ano ang kakaiba sa Bagong Taon natin ngayong 2022? Ito ang pinaka-high stakes na election year para sa ating demokrasya simula 1986. Limang buwan na lang, ihahalal na ng mga Pilipino ang bago nitong pangulo.
Hatid nga ng panibagong taong ito ang bagong pag-asa, pero hatid din nito ang bagong panlulumo. Sa 2022, mahirap tingnan ang baso ng ating buhay pulitika na half-full, dahil sa totoo lang, hindi ito nangangalahati. Nasa 1/4 lang siguro ang positibo kung ihahambing sa negatibo.
Mukha bang natuto tayo sa karanasan ng 2016? Sa eleksiyong iyon, ibinoto ng 16 milyong Pilipino ang isang pangulong hindi lang palpak sa paglaban sa pandemya, kundi nagpaigting din ng patayan, isinayad sa lupa ang respeto sa buhay at karapatang pantao, bumastos sa kababaihan, at bumalahura sa ating national pride sa pangangayupapa niya sa Tsina.
Higit sa lahat, iiwan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sambayanang lalong bulnerable sa mga manloloko, matatamis ang dila, at lantarang sinungaling.
Comments (0)