Utak pulbura (pa rin) sa gitna ng pandemya
Utak pulbura (pa rin) sa gitna ng pandemya
February 5, 2022
Naghahakot nanaman ang gobyerno ng kagamitan pangmilitar habang naghihirap ang taumbayan.
By Pinoy Weekly
Pagdating sa pandemya, mass testing, ayuda, kalamidad at sakuna, laging sinasabi ni Pangulong Duterte, walang pera. Pero bakit may bilyon siyang pondo para sa kagamitang panggiyera? Sa harap ng sumasahol at kalunos-lunos na kalagayan ng mga Pilipino, nilulustay naman ng administrasyon ang pera ng taumbayan para tustusan ang kanyang militaristang paghahari at giyera laban sa sambayanang Pilipino.
Dalawang taon na ang pandemya. Pero hanggang ngayon, batbat pa rin ng kapabayaan at kapalpakan ang tugon ni Duterte. Habang dumudukot sa sariling butas na bulsa ang mga Pilipino para lang malampasan itong pandemya, todo naman ang paglustay ni Duterte ng pondo ng bayan para sa kanyang militar.
Sa nilagdaan ni Duterte na P5.024 trilyon pambansang badyet para sa 2022, P188.3 bilyon lang ang nakalaan para sa Department of Health. Pero nakapaglaan ang gobyerno ng P213.78 bilyon para sa Armed Forces of the Philippines at P190.69 bilyon para sa Philippine National Police. Kahit ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac), nabigyan ng P17 bilyon.
Comments (0)