Bakit nagtatagumpay ang Vietnam sa pagpuksa sa COVID-19? (at tayo hindi)
Bakit nagtatagumpay ang Vietnam sa pagpuksa sa COVID-19? (at tayo hindi)
Ni Cita Managuelod
Sentro Para sa Tunay na Reporma sa Lupa – Cagayan Valley
TULAD NATIN, malaki at makapal ang populasyon ng Vietnam (96M) lalo na sa mga syudad nito. Katabi lang nila ang Tsina na pinagsimulan ng Covid-19. Aminado rin sila na mahina ang public health care system nila at kakaunti ang pondong kayang ilaan para tugunan ang Covid-19.
PERO hanggang ngayon, walang namatay kahit isa, 268 lang ang nahawa, gumaling na ang 222, 46 na lang ang aktibong kaso (April 22, 2020 John Hopkins University) at mahina ang pagkalat sa lokal kaya pinupuri sila ng iba’t ibang bansa dahil dito.
PAANO NILA GINAWA ITO?
1. Mabilis, maagap, desidido at tuloy-tuloy na pagtugon ng pambansang pamahalaan (Wala tayo nito.)
Enero 16 at 21 pa lang ay nagpaabot na ng mahahalagang tagubilin sa pagpigil ng epidemya sa mga ahensya ng gobyerno at mga ospital at clinic sa buong bansa. Enero 23 ay naitala ang unang 2 pasyente ng Vietnam na mga Intsik na turista galing Wuhan. Enero 30 ay itinatag ang National Steering Committee on Epidemic Prevention na agad gumawa ng National Response Plan. Pebrero 1, may 6 na nahawa, nagdeklara na ng epidemya sa bansa, TRAVEL BAN mula sa at papunta sa Tsina at sarado na ang mga paaralan.
Pebrero 9 ay naglunsad ng telekumperensya sa 700 ospital at isang website para sa kaalaman ng publiko. Pebrero 13 ay 10 na ang nahawa sa kanila, ang Vietnam ang unang bansa, matapos ang Tsina na nag-QUARANTINE na (3 linggo sa Son Loi Commune sa probinsya ng Vinh Phuc) dahil sa 6 na nahawang OFW na nakauwi dito mula sa Wuhan. Tagumpay ang Vietnam sa unang yugto, walang bagong kaso mula Pebrero 13-25 at gumaling na lahat ng pasyente.
Pero may nahawang turistang galing sa Pransya na umuwi na sa Vietnam ng Marso 2 pero hindi sumunod sa quarantine kaya pumasok sa ikalawang yugto ang pagharap ng Vietnam sa Covid-19 na hindi na lamang galing Tsina ang mga pasyente. Marso 10 ay nagpalaganap pa ng mobile app sa cell phone para makapag-ulat ang mamamayan ng kanilang kalagayang pangkalusugan at makatulong sa contact tracing.
Marso 23, pumasok ang Vietnam sa ikatlong yugto noong tumaas ang risgo ng pagkalat sa lokal dahil may 2 cluster ng kaso na di malaman kung saan nahawa. Marso 22, pinagbawal na ang pasok ng dayuhan sa bansa at ang umuuwing mamamayan ay mahigpit na ipapaloob sa 2 linggong quarantine. Ipinatigil rin ang pampublikong transportasyon na eroplano, bus at tren pero pinahihintulutan pa ang pribadong transportasyon na sumusunod sa regulasyong pangkalusugan. Idineklara ang pambansang pandemya noong Marso 30 at nagsimula ang LIMITED LOCKDOWN sa buong bansa noong Abril 1.
2. Agad na PAGHIWALAY at PAGGAMOT sa mga nahawa at dahil kaunti ang pasyente, sumasapat ang pasilidad, gamot at doktor. Sa Vietnam, may 1 doktor sa bawat 1,250 mamamayan.(Di natin napaghandaan ito, matagal na napabayaan ang health care system natin at binawasan pa ng budget kaya ang ibang pasyente ay pinapauwi na lang. Sa Pilipinas, may 1 doktor sa bawat 33,000 mamamayan at namamatay pa ang mga doktor at nurse natin dahil sa Covid-19.)
3. Malawakan, agresibo at masinsin ang CONTACT TRACING at disease surveillance sa tulong ng publiko na may 4 na palapag (Mabagal at mahina tayo dito, kulang sa tao, di napakilos ang maraming gustong mag-volunteer.)
4. APAT NA PALAPAG NG KONTAK na may iba’t ibang antas ng paghihigpit sa kilos ng tao at quarantine (2 palapag lang tayo kaya di natin makita saan galing ang pagkahawa. Tuluyang nakakahawa ang mga walang sintomas. Hindi malinaw kung saan dapat maghigpit at gaano kahigpit.)
• Una – kumpirmadong kaso at may sintomas ay ihiwalay at gamutin
• Pangalawa – mandatory quarantine sa lahat ng nagka-kontak sa kumpirmadong kaso
• Pangatlo – self-isolation sa lahat ng nagka-kontak sa pangalawa sa itaas
• Pang-apat – quarantine sa lahat ng komunidad, kalye at building kung saan nakumpirma ang mga kaso
5. Mahigpit na QUARANTINE na kumpleto ang serbisyong medikal, suportang tulugan, pagkain at toiletries at WALANG CURFEW (Tayo kinulong lang tayo, walang maagap at sapat na testing, pagkain atbp. pangangailangan.)
Marso 16 ang umpisa ng mass quarantine sa Vietnam na 75K ang naka-quarantine sa mga kampo at mga komunidad. April 1-16 lang ang LIMITED LOCKDOWN sa Vietnam na nagbabawal sa pagpasok ng dayuhan sa bansa, nagbabawal sa mga pagtitipon, naghihikayat sa pananatili sa bahay, nagtakda ng quarantine sa mga may sakit at na-expose at social distancing.
Matapos ang LIMITED LOCKDOWN ng Vietnam, sa 63 syudad at probinsya, na-extend ang lockdown sa 12 na high-risk na lugar at sa 16 na medium-risk ay pinayagan na ang pagbukas ng mga tindahan ng hindi esensyal na produkto at serbisyo. Limang lugar lang na may kaso ang ipinailalim sa pangkalahatang lockdown ng 2 linggo – ang Son Loi Commune, na may 10,600 katao, Bach Truc St. sa Hanoi na may 189 katao, Chi Trung Commune at 2 baryo ng Ha Loi at Ngo Khe. Sa limang lugar na ito naglagay ng checkpoint papasok at palabas, nagtayo ng testing center at clinic. Matapos ang 2 linggo na walang bagong kaso sa lugar ay tinatapos na ang lockdown dito.
Maingat at unti-unti ang ginagawang pagpapanumbalik sa komersyo at kabuhayan ng mamamayan. Habang hindi nag-aatubili at mabilis na pipihit at pipigilan ang pasok-labas at kilos ng tao sa mga lugar na kinakailangan at may pagdami ng kaso. Kaya napakahalaga ng maramihang testing, contact tracing at tapat na pag-uulat. Isang hamon ay kung paano maaabot ng $1.1B pondo nito para sa nawalan ng kabuhayan ang napakaraming hindi dokumentadong informal workers.
(Ang LOCKDOWN sa Pilipinas ay batbat ng kalituhan at pagkabigla ng mamamayan, di makita ang medikal at syentipikong basehan ng mga patakaran tulad ng curfew, ng pagtindi o pagluwag ng paghihigpit sa iba’t ibang lugar, pagkulong sa mamamayan pero diretso pasok sa bansa ang 536,205 na Intsik mula Disyembre, pagpapalusot sa operasyon ng di esensyal na POGO casino at minahan ng mga Intsik habang lubusang nililimitahan ang esensyal na kabuhayan ng mamamayan, kulang na kulang ang ayudang tunay na dumarating, laganap ang kagutuman at kawalan ng paliwanag kung bakit 40-50% lang ng mahihirap ang sasagipin ng social amelioration. Mas malaki di hamak ang pondong nilaan ng Pilipinas para dito na higit $6B, naghahanap pa ng mauutangan at maibebentang ari-arian ng bansa.)
6. MARAMIHHANG TESTING na umabot sa 206,253 na pinakamataas sa south-east Asia ang Vietnam (Tayo ay huli na noong sinabi ng DOH na kailangan na ito April 14, inuna pa at paulit-ulit ang VIPs, 64,845 ang na testing natin.)
7. Kampanya sa IMPORMASYON at MOBILISASYON para turuan, hikayatin at pakilusin ang publiko (Tayo ay may kampanya ang gobyernong Duterte sa pananakot, pagbabanta, panunupil sa kilos at pagpapahayag, kalituhan, hindi syentipiko, walang transparency, paninisi sa mamamayan, iba-iba ang sinasabi.)
Masigla ang pakikiisa at pagpapakilos sa mamamayan ng Vietnam pati medical students, retiradong doktor at nurse at nanawagan ng mga ambag at donasyon mula sa publiko. (TAYO AY MERON DIN NITO!! Nagsisikap ang mamamayan lalo na ang health frontliners na hanapin at tahakin ang tamang landas ng pagpuksa sa Covid-19. Hindi matatawaran ang dedikasyon at sakripisyo ng mamamayang Pilipino sa kabila ng inutil na pambansang pamamahala na sinusupil pa ang nagmamalasakit a LGUs at pribadong relief providers.)
Sources:
“Coronavirus miracle? Vietnam says all its infected patients cured”, by Sen Nguyen, Feb. 28, 2020, Aljazeera
“Vietnam’s coronavirus offensive wins praise for low cost-model”, by John Reed & Pham Hai Chung, Mar. 24, 2020, Financial Times
“Vietnam shows how you can contain COVID-19 with limited resources”, by Sean Fleming, Mar. 30, 2020 World Economic Forum
“With no deaths and cases limited to the hundreds, Vietnam’s Covid-19 response appears to be working”, by Bonnie Au, April 14, 2020, South China Morning Post
“How Vietnam is winning its ‘war’ on coronavirus”, by Rodion Ebbighausen, April 16, 2020, DW Live TV
“Cautiously, a fiscally constrained Vietnam eases two-week nationwide lockdown”, by Tan Hui Yee, April 17, 2020, The Straits Times
“The Secret to Vietnam’s COVID-19 Response Success”, by Minh Vu & Bich T. Tran, April 18, 2020, The Diplomat
Comments (0)